Lalaking nangholdap umano ng foreigner, arestado

ABS-CBN News

Posted at Apr 06 2018 05:28 AM | Updated as of Apr 06 2018 08:00 AM

MAYNILA - Arestado ang isang lalaki matapos mangholdap umano ng isang Chinese national sa Malate, Maynila Huwebes ng gabi.

Narekober sa suspek ang isang kalibre .45 na baril. Hinahanap pa ng mga pulis ang kaniyang nakatakas na kasamahan.

Batay sa imbestigasyon ng pulisya, hinoldap ng 2 lalaki ang isang Chinese national sa San Marcelino St. corner Remedios St. alas-10 ng gabi.

Tinutukan nila ng baril ang biktima bago tinangay ang cellphone nito. 

Tumakas ang mga suspek sakay ng motorsiklo pero hinabol ng biktima na nakuhanan pa sa CCTV.

Sakto naman na may nagpapatrolya na pulis.

"Nung papalapit na ako, nakita ko may baril. Tinutukan ko po. Pinaputukan ko na rin po, pagputok ko, sumemplang sila," ani PO1 Chimber Importa ng Paco Police Community Precinct.

Nahuli ang suspek habang nakatakas ang kaniyang kasamahan.

Depensa niya, nagawa niya ito dahil nangangailangan siya ng pera para panggamot sa sakit na TB.

"Hindi ako notorious. Ngayon ko lang nagawa 'yan," aniya.

Mahaharap siya sa kasong robbery-holdup. - ulat ni Jervis Manahan, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.