Kawani ng planta, ninakawan at binaril sa CDO

Ronnie Enderes, ABS-CBN News

Posted at Apr 06 2018 03:15 AM

CAGAYAN DE ORO CITY, Misamis Oriental - Patay ang isang kawani ng planta matapos pagnakawan at pagbabarilin sa Barangay Tablon, Cagayan de Oro City Huwebes ng hapon.

Kinilala ang biktima na si Robert Luz, 38-anyos, oil refinery operator ng Cagayan Corn Products at isa ring konsesyonaryo ng kantin.

Ayon sa pulisya, binaril ang biktima ng hindi pa kilalang salarin habang naglalakad ito malapit sa tulay ng Purok 5 pasado alas-3 ng hapon.

Tinangay rin ng salarin ang dalang bag ni Luz na may lamang pera.

Dinala ang biktima sa ospital pero binawian din ng buhay.

Ayon kay Chief Insp. Ian Borinaga, hepe ng Cugman Police Station, pagnanakaw ang tinitingnan nilang motibo sa insidente.

Galing si Luz sa isang banko kung saan nagpa-encash umano ito ng P140,000.

Dahil sa pamamaril, tinamaan din ng ligaw na bala ang dumaang taxi. Ligtas naman ang drayber at mga pasahero nito.

Narekober sa crime scene ang isang bala at isang basyo ng bala ng kalibre .45 na baril.

Nagsagawa na ng follow-up operation ang mga pulis laban sa salarin.

Ayon sa mga testigo, nakasuot ito ng polo, maong, at ball cap na nasa edad na 22-anyos hanggang 25-anyos.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.