Ikakasal dapat sa Boracay, 'nangarag' sa biglaang pagsasara ng isla

ABS-CBN News

Posted at Apr 06 2018 10:04 PM | Updated as of Jan 18 2019 01:40 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Hindi lang mga turista ang apektado sa itinakdang anim na buwang shutdown ng Boracay dahil maging ang mga kasal na dapat gagawin doon, kanselado.

Isa na rito ang plano ng magkasintahang sina Janmar Dimaano at Czarina Rodriguez, na matagal nang pangarap na ikasal sa Boracay.

Kuwento nila, minsan na silang nanirahan sa isla at taon-taon ay pabalik-balik sila sa itinuturing nilang paraiso.

Handa na sana ang pag-iisang dibdib nila sa Mayo 28. Naka-book na rin ang mga tiket at accommodation ng mga kaibigan at kamag-anak, kulang na lang ay ang magsabihan ng “I do."

Pero sa di inaasahang pagkakataon, inanunsiyo na ng Palasyo na matutuloy ang anim na buwang shutdown ng Boracay simula Abril 26 para bigyang-daan ang rehabilitasyon. 

"Shell-shocked ka eh, parang kasi hindi talaga namin ine-expect [na magsasara]," ani Dimaano.

Kung stressed na dati, mas ngarag ngayon ang dalawa dahil ililipat na nila ang buong kasal sa Albay.

Kailangan nila ngayong maghanap ng mga bagong supplier at ipa-rebook ang mga tiket at accommodation ng mga dadalo.

Buti na lang daw, naging maayos kausap ang mga kinontrata nila sa Boracay.

"Nag-decide na kami na finally hindi namin kayang hilahin 'yung wedding date eh. Move na lang sa ibang venue," ani Dimaano.

"Ever since, Boracay talaga 'yung dream namin so naabutan lang talaga nung closure so super sayang. Kung alam lang namin sana ginawa naming January [ang kasal]," ayon naman kay Rodriguez.

Para kina Dimaano at Rodriguez, hassle man ang idinulot nito ay batid nilang mas mahirap ang pagdadaanan ng mga taga-Boracay na maaapektuhan ng shutdown.

'Guidelines'

Wala pang final guidelines ang gobyerno kung paano ipatutupad ang shutdown pero sa kanilang draft, nakasaad na simula Abril 26 ay haharangin na ang mga turista sa Jetty Port.

Kakailanganin din ng mga residente at empleyado na magpakita ng official ID na may address para makalabas-masok sa isla.

Bawal na rin ang swimming sa beach sa loob ng shutdown.

Papayagan naman ang media na pumasok pero may prior approval dapat at sigurado ang petsa kung hanggang kailan lang nasa isla.

Ire-revalidate ng Bureau of Immigration ang mga foreign residents at iisa lang din ang gagawing entry at exit point ng Boracay.

"We are serious on this...What’s the use of closing Boracay if you allow one, two or three persons to violate?" ani Department of the Interior and Local Government officer-in-charge Eduardo Año.

Handa naman ang gobyerno sakaling umabot sa korte ang naturang pagpapasara sa isla. 

--Ulat ni Jeff Canoy, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.