Higit sa 100 loose firearms, isinuko sa Agusan del Norte

May Diez, ABS-CBN News

Posted at Apr 06 2018 01:17 PM

Nakiisa ang mga barangay sa bayan ng Las Nieves sa kampaniya ng awtoridad laban sa loose firearms. Ayon sa awtoridad, higit sa 100 mga baril ang naisuko Abril 6, 2018 ng umaga.

LAS NIEVES, Agusan del Norte – Mahigit sa 100 baril ang isinuko mula sa iba’t-ibang barangay sa bayan, Biyernes ng umaga dahil na rin sa pinalawak na kampanya ng awtoridad laban sa loose firearms.

Karamihan sa mga isinuko ay homemade shotguns. Meron din boluntaryong nagsuko ng kalibre .45 dahil hindi na-renew ang lisensya.

Ayon kay Inspector Hildo Ruaza, hepe ng Las Nieves Municipal Police Station, hinigpitan nila ang Oplan Balik Armas dahil bukod sa may ipinatutupad na martial law, nalalapit na rin ang Barangay at Sannguniang Kabataan elections.

Aminado rin ang awtoridad na naging matagumpay ang operasyon dahil sa tulong ng bawat kapitan ng barangay. Sila ang nanguna sa paghikayat sa mga residente na boluntaryo nilang isuko ang itinatagong baril upang hindi makasuhan ng illegal possession of firearms.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.