Garin, 34 iba pa, kinasuhan sa mga pagkamatay na isinisisi sa Dengvaxia

ABS-CBN News

Posted at Apr 06 2018 01:03 AM

Watch more in iWant or TFC.tv

Sinampahan na ng kasong kriminal sa Department of Justice (DOJ) ang 35 tao, kabilang ang ilang dati at kasulukuyang opisyal ng Department of Health (DOH), kaugnay sa pagkamatay ng apat na batang naturukan umano ng Dengvaxia.

Kabilang sa mga kinasuhan sina dating Health Secretary Janette Garin, ilan pang opisyal ng DOH, at mga opisyal ng Sanofi Pasteur at Zuellig Pharma Corporation. 

Kasama ang Public Attorney's Office (PAO), nagsampa ang mga magulang ng mga kasong reckless imprudence resulting in homicide at paglabag sa anti-torture law sa pagkamatay nina Anjielica Pestilos, Zandro Colite, Lenard Baldonado, at Aejay Bautista.

Distributor ng Dengvaxia sa Pilipinas ang Zuellig Pharma habang manufacturer nito ang Sanofi Pasteur.

Iginiit naman ng Sanofi Pasteur na sinunod nila ang normal na proseso ng pagbili ng Dengvaxia.

"We have not received any formal document on the charges filed with the DOJ. Sanofi Pasteur followed the normal procurement process and complied with all legal and regulatory requirements," saad ng pahayag ng Sanofi Pasteur.

Nanindigan naman si Garin na walang siyentipikong basehan ang alegasyon ng PAO.

Balak niya ring magkontra-demanda sa PAO dahil sa aniya'y malisyosong prosekusyon nito.

"The complaints have no scientific basis. Ang mismong dengue expert na pinagmamalaki ng PAO na si Dr. Scott Halstead ang nagsabi na walang kinalaman ang dengue vaccine sa mga pagkamatay at walang relasyon ang Dengvaxia sa neurotropism at viscerotropism," pahayag ni Garin. 

May personal na agenda lamang ang hepe ng PAO na si Persida Acosta, aniya. 

"Walang basehan ang reklamo kaya naman sasampahan din namin ang PAO ng kasong malicious prosecution. She (Acosta) is just using the poor victims for her personal agenda. This undue hysteria should already be stopped in the interest of public health."

Agad namang bumuwelta si Acosta kay Garin na ayon sa PAO chief ay inimbestigahan mismo sa Kongreso.

"May na-examine ba si Dr. Halstead na biktima, isa dito, para sabihin ni Dr. Halstead na walang kinamalayan ang Dengvaxia diyan? Kapag siya ho nagsampa niyan, another case ho siya. Siya ang nagma-malicious prosecution," ani Acosta.

Batay sa forensic report sa apat na bata, pare-pareho silang nagkaroon ng pamamaga at pagdurugo sa internal organs.

"Ang confirmation is this, totoo ang sinabi ng Sanofi that Dengvaxia causes viscerotropism... talagang very strong link... klarong-klaro itong Dengvaxia," ani Dr. Erwin Erfe, director ng PAO forensic laboratory services.

Hindi naman nakasama sa kinasuhan si dating Health Secretary Paulyn Ubial dahil plano siyang kuhaning testigo ng PAO.

Pero ayon sa PAO, kasama si Health Secretary Francisco Duque III sa susunod na sasampahan ng mga kasong kriminal dahil ilang bata ring namatay ang naturukan ng Dengvaxia sa kaniyang termino.

Hinihintay na lang din ng PAO ang committee report ng Senado saka magpapasya kung isasama si dating Pangulong Benigno "Noynoy" Aquino III sa iba pang makakasuhan.

Nag-ugat ang imbestigasyon sa Dengvaxia nang sabihin ng Sanofi Pasteur na batay sa pinakahuling pag-aaral, maaaring magkaroon ng mas malalang dengue infection ang mga nagpa-Dengvaxia na hindi pa nagkakaroon ng nasabing sakit.

Pero agad ding nilinaw ng manufacturer na hindi ang mismong bakuna ang magdudulot ng severe dengue.

"Hindi nakukuha ang severe dengue from the vaccine. Hindi dahil nabakunahan ka, nagka-severe dengue ka," ani Dr. Ruby Dizon, medical director sa Sanofi Pasteur.

-- Ulat ni Dominic Almelor, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.