Bakit di puwedeng ipa-drug test ng Comelec ang mga tumatakbo sa halalan?

ABS-CBN News

Posted at Apr 06 2018 06:31 PM | Updated as of Apr 06 2018 10:56 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Sinabi noong 2008 sa isang desisyon ng Korte Suprema na unconstitutional o labag sa Saligang Batas na gawing mandatory o sapilitan ang drug testing sa mga opsiyal ng gobyerno.

Ayon kasi sa Supreme Court (SC), hindi awtorisado ang Commission on Elections (Comelec) o Kongreso na palawigin ang mga pamantayan na nakasaad sa Konstitusyon.

"[D]epartments of government have no choice but to yield obedience to the commands of the Constitution. Whatever limits it imposes must be observed," ayon sa isang bahagi ng 2008 decision ng SC.

Pero sa kabila nito, isinusulong pa rin ng grupong Liga ng mga Barangay sa Pilipinas na maipatupad ang mandatory drug testing sa mga barangay official at kandidato sa paparating na halalan.

"It was declared unconstituional [by SC] as far as congressmen and senators are concerned...But there was no pronuouncement as far as local officials are concerned so baka puwede," opinyon ni Atty. Edmund Abesamis, presidente ng grupo. 

Pero giit ng Comelec, hindi kakayanin ng isang resolusyon lamang mula sa kanilang ahensiya ang magdagdag ng requirement gaya ng nasabing test. 

"Sigurado unconstitutional pa rin 'yan...If the President issues an order, that might change the situation," ani Comelec spokesperson James Jimenez.

Sa tala ng Philippine National Police (PNP), 40 porsiyento sa mga opisyal ng barangay sa buong bansa ang sangkot mismo sa illegal drug trade bilang dealer o supplier. 

Kaya tingin nila, baka hindi rin sapat ang drug test lang.

"Almost 17,000 barangay captains are allegedly involved in illegal drug activities...Iyung involvement kasi sa illegal drugs is not one of the qualifications eh, that's something that should be considered by the Comelec and even by our legislators," ani Chief Superintendent John Bulalacao, tagapagsalita ng PNP. 

Nauna nang sinabi ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) na hirap din sila sa barangay drug clearing. Kaya bukod sa mandatory tests, dapat ipagpatuloy din ang surprise drug testing.

"May pondo naman diyan eh...If you're a barangay captain, you want to show to the people na maayos ang lahat ng miyembro ng barangay at di gumagamit ng droga, bakit hindi mo gawin?" ayon kay PDEA chief Aaron Aquino. 

Samantala, muling hiniling ng Liga ng mga Barangay sa Pilipinas na ilabas na ang listahan ng barangay "narco-list."

Sagot naman ng PNP, nasa verification process pa rin sila pero tiniyak nila na magiging target ng "Oplan Tokhang" o anti-drug operations ang mga nasa listahan.

--Ulat ni Angel Movido, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.