9 preso sugatan sa gulo sa Metro Manila District Jail

Michael Delizo, ABS-CBN News

Posted at Apr 06 2018 06:01 AM | Updated as of Jan 18 2019 03:56 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA - Sugatan ang 9 na preso sa Metro Manila District Jail sa Taguig City matapos naging marahas ang kanilang noise barrage Huwebes ng gabi.

Ayon sa Bureau of Jail Management and Penology, nag-ugat ang noise barrage nang magreklamo ang grupo ng mga pasaway na inmate na inilipat ng selda.

Nauwi ito sa kaguluhan nang maging marahas ang mga preso.

Winasak ng mga preso ang kanilang higaan para ipang-ingay. Ginamit din nila itong pambarikada para hindi sila mapasok ng mga jail guard.

Pinilit din umano nilang pasalihin sa noise barrage ang ibang mga preso at sinira pa ang mga CCTV.

"Walang choice kundi naglaglag kami ng cannister. Naglaglag kami ng tear gas doon," ani Senior Insp. Xavier Solda, tagapagsalita ng BJMP.

Nahinto naman ang dalaw at may ilang naghintay sa labas ng Camp Bagong Diwa para maipaliwanag sa kanila ang nangyari.

Nakatanggap daw kasi sila ng impormasyon sa loob na lubhang naging marahas ang sitwasyon.

"Narinig po namin na may mga putukan kaya po nag-alala kami para sa mga mahal namin sa buhay na nasa loob," ayon sa asawa ng isang inmate.

Depensa naman ng BJMP, pinairal nila ang maximum tolerance sa pagtugon sa insidente. 

Kailangan nilang umaksiyon kung nasa bingit na ng panganib ang buhay ng kanilang mga tauhan at ng ibang mga preso.

Nanindigan din ang BJMP na warning shot lang ang ginawa nilang pagpapaputok para sawayin ang mga nag-aalburutong preso.

Hindi rin daw nila pinabayaan ang mga sugatan at agad dinala sa Rizal Medical Center.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.