4 patay sa engkuwentro sa Batangas

ABS-CBN News

Posted at Apr 06 2018 03:18 AM | Updated as of Apr 06 2018 08:06 PM

LAUREL, Batangas - Patay ang 4 katao, kabilang ang 2 pulis, matapos magka-engkuwentro sa bayang ito Huwebes ng hapon.

Nasawi sina Senior Insp. Alvin Kison at SPO2 Edilberto Eje ng Batangas police.

Patay rin sina Erwin Ariola at Darren Suarez na hinihinalang sangkot sa mga robbery-holdup incident sa lalawigan.

Batay sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, pinaputukan umano ng 2 lalaki ang mga pulis habang minamanmanan sa national highway ng Barangay Berinayan pasado alas-4 ng hapon.

Napilitang gumanti ang mga pulis na nagresulta sa engkuwentro.

Tinamaan si Ariola at Suarez na dahilan sa agarang nilang pagkamatay.

Nagtamo rin ng tama ng bala si Kison at Eje. Agad silang isinugod sa ospital sa bayan ng Santo Tomas ngunit binawian din sila ng buhay habang ginagamot..

Patuloy pang iniimbestigahan ng Batangas police ang insidente. - ulat ni Kevin Joseph Dinglasan, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.