SOUTH KOREA - Sinimulan ng Overseas Workers Welfare Administration o OWWA ang Balik-Saya program sa South Korea kung saan dumalo ang mga OFW at kabilang sa aktibidad ang pagpapakita ng iba-ibang talento ng mga Pinoy.
Handog ito ng Department of Migrant Workers at OWWA sa pakikipagtulungan ng Embahada ng Pilipinas sa Seoul at Filipino community.
“Natutuwa po kami dahil nakaka-miss...lahat po ng OFW dito nakikisabay sa orignal Filipino music na hinandog ating mga bisita,” sabi ni Joy Lor, isang OFW.
Kabilang sa mga aktibidad ng Balik-Saya program ang OFW Got Talent kung saan may mga sumayaw, may kumanta at mayroon ding nag-rap. Tinanghal na finalist ang grupong Yeouinaru habang nagwagi naman ang grupong Beat Box.
“Nagpapasalamat po kami sa OWWA Cares at parang sa aming mga OFW nawawala po ang homesick namin sa ganitong klaseng programa,” sabi ng grupong Yeouinaru, finalist sa OFW Got Talent.
Ikinatuwa ng OWWA ang pagdalo ng Filipino community sa kauna-unahang Balik-Saya event na ito sa South Korea.
“Kaya reminding you pahalagahan ninyo ang pakakataon na andito sa South Korea. Napakswerte ninyo...ang inyong kontrata pangangalagaan ninyo. Work very hard and be pride of the Filipinos para naman makita ng ating host country kung gaano tayo kagaling at kahusay at mas lalong iinit ang pagtanggap nila sa atin,” pahayag ni OWWA Administrator Arnell Ignacio.
Para sa iba pang ulat patungkol sa mga Pilipino sa iba't ibang bahagi ng mundo, panoorin at tumutok sa TFC News sa TV Patrol.