PatrolPH

State of calamity idedeklara sa bayan sa Occ. Mindoro dahil sa presyo ng sibuyas

ABS-CBN News

Posted at Apr 05 2022 04:49 PM | Updated as of Apr 05 2022 07:32 PM

Watch more News on iWantTFC

Nakatakdang magdeklara ng state of calamity ang lokal na pamahalaan ng San Jose, Occidental Mindoro matapos sumadsad ang presyo ng sibuyas.

Nasa 17 barangay ang apektado ng pagbagsak ng presyo ng sibuyas, na sinabayan pa ng pananalasa ng mga pesteng insektong harabas.

Sinisi ni San Jose Mayor Romulo Festin ang importation ng sibuyas kaya bumagsak ang presyo ng mga lokal na sibuyas na galing sa bayan.

"Kung sino man 'yong pumirma sa importation, mahiya naman siya sa balat niya... Dapat economic sabotage ang ikaso sa director na nagpirma niyan," ani Festin.

"Kawawa naman ang mga tao, lalo na magsasaka," dagdag niya. 

Sa San Jose, bumagsak sa P6 ang kada kilo ng sibuyas.

Umabot naman sa P72 milyon ang halaga ng pinsalang dulot ng harabas sa mga pananim.

Problemado tuloy ang magsasakang si Elvie Gallardo, na may kalahating ektaryang taniman ng sibuyas, dahil daang-libong piso ang ginastos niya para sa abono at mga gamot sa pagtatanim.

"Wala po kami kinita, kulang pa sa pambayad sa utang," ani Gallardo.

Masama ang loob ng mga magsasaka sa gobyerno dahil sa umano'y pag-import ng mga sibuyas.

"Napakarami ng sibuyas dito kaya lang napakarami din ang nasira," ani Isidro Genorio.

"Agricultural country [tayo], bakit nagi-import? Bakit hindi na lang tulungan ang mga magsasaka para kumita?" sabi naman ni Reynaldo Dimamay.

May mga magsasaka ring dumadayo ng Iloilo, Dumaguete at Cagayan de Oro para doon magbenta ng sibuyas pero umuuwi ring malungkot.

Nauna nang idinaing ng mga magsasaka ng Mamburao, Occidental Mindoro ang bagsak-presyo ng sibuyas, na anila'y ikinalulugi rin nila.

— Ulat ni Dennis Datu, ABS-CBN News

RELATED VIDEO

Watch more News on iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.