MAYNILA — Naging "masyadong mapagbigay" ang Pilipinas sa China kaugnay sa isyu ng West Philippine Sea, dahilan para dumagsa ang mga barko ng Tsina sa lugar, ayon sa isang eksperto.
Kasunod ito ng sagutan kamakailan ng Chinese Embassy at ni Philippine Defense Secretary Delfin Lorenzana, na tahasang pinalalayas ang mga barko ng China na namataan ng Armed Forces of the Philippines sa Julian Felipe Reef sa West Philippine Sea.
"Itong mga nakaraang taon kabaligtaran 'yong nakikita nating lumalabas sa gobyerno, masyadong mapagbigay," sabi ni Atty. Jay Batongbacal ng University of the Philippines Institute for Maritime Affairs and Law of the Sea sa panayam ng Teleradyo.
"At one point sinabi pa ni Presidente [Duterte] na pinayagan daw sila mangisda doon, kaya nga ayan ang nangyari, dahil sinabi niya 'yon, talagang pumasok sila in force," dagdag ni Batongbacal.
Tinutukoy ni Batongbacal ang mga pahayag noong 2019 ni Duterte, na sinabing pinayagan ng Pilipinas na mangisda ang mga Chinese sa West Philippine Sea.
Sang-ayon umano si Batongbacal sa pagbabago ng tono ng mga opisyal ng gobyerno laban sa panghihimasok ng China sa West Philippine Sea.
"Despite all the friendship that we've shown them, patuloy pa rin silang pumapasok. Kaya tama lang na medyo magbago na ang tono natin na para kasing pinagsasamantalahan na tayo kung ganyan. Dapat lang tumigas-tigas naman," aniya.
Bukod sa mga pahayag ni Lorenzana, plano rin ni Foreign Affairs Secretary Teodoro Locsin Jr. na maghain ng demarche, na ayon kay Batongbacal ay parang isang diplomatic note o protest pero mas detalyado.
Ayon kay Batongbacal, kailangan ding patunayan ng Pilipinas sa mundo ang paninindigan nito sa isyu ng West Philippine Sea, para na rin makakuha ng suporta sa international community.
"Kailangan natin ngayon i-rebuild 'yong ating credibility sa international community na i-push itong compliance with UNCLOS (United Nations Convention on the Law of the Sea) and with international law," aniya.
"That's the only way we can protect our interest sa ngayon dito sa West Philippine Sea, we go by international law," dagdag niya.
Taong 2016 nang maipanalo ng Pilipinas ang arbitral ruling sa South China Sea laban sa China, pero tingin ng mga kritiko ng Duterte administration ay mistulang nabalewala ito noong mga nakaraang taon dahil na rin sa pagnanais ng pangulo na magkaroon ang Pilipinas ng mas magandang relasyon sa China.
RELATED VIDEO:
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
PatrolPH, Tagalog news, China, West Philippine Sea, South China Sea, Chinese ships, Chinese maritime militia, Jay Batongbacal, maritime dispute, territorial dispute, foreign policy, Delfin Lorenzana, TV Patrol, Johnson Manabat