MAYNILA — Punuan na maging ang mga pribadong ospital sa Calabarzon at Mimaropa, o mga rehiyon sa paligid ng Metro Manila, dahil sa pagdami ng kaso ng COVID-19.
Sa panayam sa TeleRadyo, sinabi ni Private Hospitals Association Philippines (PHAP) President Dr. Jose Rene de Grano na dahil wala nang mapaglagyang ospital sa Metro Manila, umaabot na sa region 4 ang mga pasyente sa paghahanap ng ospital.
"Talaga pong medyo nao-overwhelm na po ang ating private hospitals. Kahapon lang po ilan ang tumatawag sa akin at pinaghahanap kami ng hospitals. Karamihan po puno na po ang (Metro) Manila, pumupunta po kami sa Region 4. Pagpunta sa Region 4, ganun din ang nakapila sa mga ER, may 15-20 [pasyente] sa malalaking ospital," ani De Grano.
Hinikayat naman ni De Grano ang mga pasyenteng walang sintomas na mag-home quarantine na lang kung may sariling kuwarto at CR dahil maging ang isolation facilities ng mga lokal na pamahalaan ay punuan na rin.
"Pag ganoon po, kailangan may magdadala sa inyo ng pagkain at gamot. Kailangan namo-monitor kayo ng doktor kung ano ang nangyayari para pag grumabe ang sintomas ma-transfer kayo sa ospital," sabi ni De Grano.
Sa hiwalay na panayam, sinabi naman ni testing czar Vince Dizon na magbubukas na sa Martes ang isang pasilidad na may 110 bed capacity para sa mga pasyenteng may severe COVID-19 sa Quezon Institute.
May itinatayo rin aniyang pasilidad ang Philippine Red Cross at Ateneo de Manila University.
RELATED VIDEO
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
PatrolPh, Tagalog news, balita, COVID-19, hospitals, surge, COVID-19 surge, PHAP, hospital, Private Hospitals Association Philippines, coronavirus, cases, COVID cases, case count Philippines, record high, record high cases, backlogs, DOH, Department of Health, TV PATROL