Barangay tanod patay sa naaksidenteng ambulansiya sa Laguna

ABS-CBN News

Posted at Apr 05 2020 01:57 PM

Patay ang isang barangay tanod habang sugatan naman ang 4 iba pa matapos maaksidente ang sinasakyan nilang ambulansiya sa bayan ng Bay, Laguna noong madaling araw ng Sabado. 

Kinilala ng pulisya ang nasawi bilang si Ofelia Regalado, 50 taong gulang.

Ayon sa pulisya, galing ang ambulansiya sa Laguna Provincial Hospital sa Santa Cruz at papuntang Rizal Medical Center sa Calamba matapos umanong tanggihan ang buntis na si Anna Jane Soriano.

Kasama sa ambulansiya ang 41 anyos na driver, si Soriano, ang kapatid at kinakasama ni Soriano, at ang umalalay na tanod na si Regalado.

Nakatulog umano ang driver ng ambulansiya kaya bumangga ang sasakyan sa poste sa gilid ng kalsada sa may Barangay Maitim bandang ala-1 ng madaling araw.

Nasugatan ang ibang sakay ng ambulansiya habang dead on arrival si Regalado.

Hawak na ng pulisya ang driver, na sasampahan ng kasong homicide at multiple physical injury.

-- Ulat ni Dyan Loquellano, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.