Kompanya ng dredging vessel: Tuloy ang proyekto

ABS-CBN News

Posted at Apr 05 2019 08:40 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Bagaman nakaalis na ang dredging vessel na basta-basta umanong dumaong sa karagatan ng Lobo sa Batangas, nanindigan ang Seagate Engineering and Build Systems (Seagate) na itutuloy nila ang planong dredging sa Lobo River.

Ang kompanyang Seagate ang kumuha sa barko para sa planong dredging operations sa Lobo River, na may lulang ilang Chinese crew at bigla na lang umanong lumitaw sa karagatan.

Giit ng chairman ng Seagate na si Leo Campos, umiiral pa rin ang kanilang kasunduan sa lokal na pamahalaan ng Lobo na gawin ang dredging noong 2008.

Kompleto rin daw ang kanilang papeles at itutuloy ng Seagate ang operasyon hanggang bunganga ng dagat.

Dagdag ni Campos na wala naman daw inihayag ang lokal na pamahalaan ng Lobo na nais na nilang bawiin ang proyekto.

"Itutuloy namin, wala naman kasing revocation na nangyari. Wala naman expiration 'yan and contract through this memorandum of agreement is supported by appropriate Sangguniang Bayan resolutions," ani Campos.

Paliwanag din ni Campos na wala silang pagdadalhan noon ng maidi-dredge sa ilog kaya ngayon lang nila gagawin ang dredging na nakasaad sa kasunduan.

Maaalalang nagsabi ang Seagate na ipinagkaloob sa kanila ng lokal na pamahalaan noong 2008 ang kontrata para sa dredging sa katubigan. Pero ayon kay Lobo Mayor Jurly Manalo, wala namang naumpisahang trabaho ang barko.

Giit din ng Seagate na inaayos na nila ang dokumento para makapagsimula na ang proyekto at kailangan ng Lobo na isagawa ang dredging dahil sa nangyaring flashflood.

Umalma dito si Manalo at nanindigang haharangin nila ang plano ng Seagate.

Humingi ng pasensiya ang pamunuan ng Seagate kay Manalo at sa mga residente sa idinulot umanong kaguluhan.

Pero nanindigan silang kailangan daw nilang sundin ang nasa kasunduan.

-- Ulat ni Dennis Datu, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.