Bilang ng tigdas cases bumaba pero 'outbreak' status mananatili: DOH

ABS-CBN News

Posted at Apr 05 2019 07:51 PM | Updated as of Apr 05 2019 09:14 PM

Nakitaan na ng pagbaba ang bilang ng mga kaso ng tigdas sa bansa at naabot na rin ng Department of Health (DOH) ang target na bilang ng mga batang dapat bakunahan, base sa huling anunsiyo ng ahensiya. 

Ang pedia ward ng San Lazaro Hospital, malayo na ang itsura kung ikukumpara sa nagdaang dalawang buwan. 

Kung dati, umaabot na sa pasilyo ng ward ang mga kama at naghahati pa ang dalawang pasyente sa iisang kama, ngayon ay mas tahimik na ang lagay nito. 
    
Ang measles care unit naman na itinayo ng Red Cross bilang tugon sa lumolobong bilang ng mga kaso ng tigdas, halos wala na ring laman.

Sa datos ng ospital, noong Huwebes ay 14 lang ang na-admit dahil sa tigdas. Sa kabuuan, 83 na lang ang nasa ospital dahil sa tigdas, malayong-malayo sa 200-300 na naa-admit noong kasagsagan ng outbreak. 

"When we started monitoring measles, nakaka-300 kami in one day," ani Dr. Ferdinand de Guzman, spokesperson ng San Lazaro Hospital.

Pero sa kabila nito, hindi pa rin handa ang DOH na bawiin ang idineklarang outbreak. 

"Nagkakaroon pa rin ng bagong cases pero bumaba na, hindi na tulad ng dati na halos araw-araw libo-libong kaso... Pero siyempre nag-iingat pa rin tayo. We still want to continue with our supplemental immunization," ani DOH Undersecretary Eric Domingo. 

Ipinaliwanag din ng opisyal ang pamantayan para mawala ang outbreak status ng tigdas.

"Hindi pa tayo handa na mag-declare na tapos na ang outbreak. Kasi para mag-declare ay dapat walang bagong kaso for six to seven weeks. Medyo malayo-layo pa tayo doon," paliwanag ni Domingo. 

Ang magandang balita, ayon kay Domingo, ay naabot na nila ang target na 3.8 milyon na mga sanggol na dapat nilang bakunahan.

Pangalawang target na mabakunahan kontra tigdas ang mga batang nag-aaral na gagawin ng DOH sa darating na pasukan. —Ulat ni Raphael Bosano, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.