Babala ni Duterte na basta manghuhuli, inalmahan

ABS-CBN News

Posted at Apr 05 2019 04:46 PM | Updated as of Apr 05 2019 09:40 PM

Umalma ang ilang abogado at kritiko sa pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte na magdedeklara siya ng "revolutionary war" at sususpendehin ang privilege of the writ of habeas corpus para lutasin ang isyu ng droga at rebelyon sa bansa.

Watch more in iWant or TFC.tv

Inihayag ito ni Duterte sa talumpati sa Palawan matapos siyang hikayatin ni Senate Minority Leader Franklin Drilon na maging maingat a pagrepaso ng mga kontratang pinasok ng gobyerno.

Protektado sa writ of habeas corpus ang bawat mamamayan mula sa mga ilegal na detensiyon at pag-aresto nang walang ipinapakitang arrest warrant.

Kaakibat din ng pahayag ang banta ni Duterte na magdeklara ng "revolutionary war" para masolusyonan ang isyu sa kriminalidad, droga, at rebelyon.

Sa isang pahayag, sinabi ng National Union of Peoples' Lawyers na walang basehan ang pagsuspende ng privilege of the writ of habeas corpus.

"There is absolutely no legal, constitutional, and factual basis to suspend the privilege of the writ of habeas corpus," anila.

Ayon sa Saligang Batas, maaari lang suspendehin ng pangulo ang privilege of the writ of habeas corpus sa loob ng 60 araw kung may paglusob o rebelyon kung kailan kinakailangan sa kaligtasan ng publiko.

Kung kailangan mang palawigin, kailangang pagtibayin ang suspensiyon ng mayorya ng mga mambabatas, na siyang magsasabi kung gaano katagal mananatili ang suspensiyon kapag patuloy ang paglusob o rebelyon.

Ayon kay Sen. Francis Pangilinan, dapat na lamang arestuhin ang mga big-time drug lord at ipakita ng Pangulo na hindi gawa-gawa ang kaniyang kampanya kontra droga.

"'Pakita niyang seryoso at hindi gawa-gawa lamang ang kampanya laban sa mga drug lord. Mga drug lord ang takutin at arestuhin niya gamit ang buong puwersa ng gobyerno,” aniya.

Bumuwelta naman sa Twitter si Sen. Risa Hontiveros at sinabing mas abala pang pagdiskitahan ni Duterte ang mga Pilipino kaysa ang mga taga-Tsina.

“Suspend the privilege of the Writ of Habeas Corpus? Warrantless arrests? "Revolutionary war" against the people? Anak ng tokwa! Imbes na magalit sa bansang Tsina, ang pinagdidiskitahan ng Pangulo ay tayong mga Pilipino,” aniya.

Watch more in iWant or TFC.tv

Nanawagan naman si Vice President Leni Robredo kay Duterte na huwag ibaling ang kaniyang galit sa oposisyon at taumbayan.

"Hindi puwedeng parang dahil nag-alburuto, parang tatakutin ang taumbayan sa isang paraan na hindi constitutional," ani Robredo.

Watch more in iWant or TFC.tv

IPINAGKIBIT-BALIKAT

Pero may ilang senador na ipinagkibit-balikat ang pahayag ni Duterte.

Tingin ni Sen. Panfilo Lacson na hindi gagawin ni Duterte ang kaniyang banta sapagkat hindi na ito saklaw ng kaniyang kapangyarihan.

Tingin naman ni Senate President Tito Sotto na “frustrated” lamang ang pangulo at magbabago naman ang isip nito.

Aniya, may "sapat na pag-iingat" sa Saligang Batas ang pagdedeklara ng suspension ng privilege of the writ of habeas corpus.

“He is just frustrated. I’m sure he will have a better outlook once his programs (versus) criminality becomes more successful. Suspension of the writ has proper constitutional safeguards while a Revolutionary War is a metaphor,” aniya.

-- May ulat nina Joyce Balancio at Zandro Ochona, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.