Tindero patay sa pamamaril sa Agusan Del Sur

Richmond Hinayon, ABS-CBN News

Posted at Apr 05 2018 04:42 PM

ROSARIO, Agusan Del Sur- Patay ang isang tindero matapos pagbabarilin ng mga hindi pa nakikilalang salarin dito, Miyerkoles ng gabi.

Kinilala ang biktima na si Hanny Plaza, 48, residente ng Purok 1, Barangay Tagbayagan dito. 

Ayon sa inisyal na imbestigasyon, pauwi na sana si Plaza sakay ng isang tricycle nang sundan at pagbabarilin siya ng 2 lalaki na lulan ng motorsiklo.

Nagtamo si Plaza ng tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng kaniyang katawan.

Ayon sa mga pulis, posibleng pagnanakaw ang motibo sa pamamaril lalo’t kinuha ng mga salarin ang bag ng biktima na may lamang pera.

Tinitingnan din ng mga awtoridad ang anggulong may matinding nakaaway ang biktima.

Narekober sa crime scene ang 3 empty shell ng kalibre .45 na baril at isang slug ng nasabing kalibre.

Iniimbestigahan pa ng mga pulis ang insidente.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.