Sundalo sugatan, 72 pamilya lumikas sa bakbakan sa Sarangani

ABS-CBN News

Posted at Apr 05 2018 07:31 AM | Updated as of Apr 05 2018 12:04 PM

ALABEL, Sarangani - Lumikas ang 72 pamilya matapos magka-engkuwentro ang militar at ilang miyembro ng New People's Army (NPA) sa Barangay Tokawal nitong lungsod.

Ayon kay sa Tokawal Barangay Captain Noel Morido, 12 pamilya ang sandaling naipit sa bakbakan, pero agad na-rescue ng otoridad.

Samantala, nasa 60 pamilya naman ang lumikas matapos makarinig ng putok.

Agad din silang nabigyan ng relief packs at ilan ay isinailalim sa stress debriefing ng mga social worker.

Nagsagawa din ang provincial mobile force unit ng Sarangani police ng checkpoint at binantayan ang mga lumikas na residente.

Ayon kay 1st Lt. Daryll Cansancio ng 73rd Infantry Battalion, naka-engkuwentro ng kaniyang tropa ang ilang miyembro ng Front Committee 71 ng NPA.

Isa sa kaniyang sundalo ang tinamaan sa kaliwang braso at dibdib, pero nasa ligtas na itong kalagayan at nagpapagaling na sa ospital.

Inaalam pa kung may sugatan din sa panig ng NPA. Narekober naman ng militar ang ilang kagamitan na naiwan ng NPA, tulad ng isang bag na may lamang improvised explosive device.

Noong nakaraang linggo pa umano na-monitor ng militar ang planong pagpunta ng mga rebelde sa lugar para umano mangikil kaya nagsagawa na sila ng foot patrol.

“Ang plano talaga nila is to extort kasi nahihirapan na sila sa paghanap ng pagkain. Marami kasi rito ng plantasyon ng saging sa area na ito kung saan nagka-encounter. Ang nakuha nating intelligence report is manununog sila o hindi kaya mang-extort sila,” ayon kay Cansancio.

Nagdeklara na ang otoridad na puwede nang bumalik sa kani-kanilang tahanan ang mga lumikas na pamilya matapos nilang maitaboy ang armadong grupo. Pero nagpapatuloy pa rin ang kanilang pursuit operation sa mga naka-engkuwentro. - ulat ni Francis Canlas, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.