P30 milyong halaga ng misdeclared heavy equipment mula Tsina, nasabat sa Maynila

Raya Capulong, ABS-CBN News

Posted at Apr 05 2018 07:37 PM

MAYNILA - Nasabat ng Bureau of Customs (BOC) ang nasa P30 milyong halaga ng misdeclared items mula Tsina sa port ng Maynila nitong Huwebes.

Batay sa imbestigasyon ng BOC, matapos dumaan sa x-ray ang 40-talampakang container van, napag-alaman na ang laman nito ay payloader at forklift.

Ayon kay Customs Commissioner Isidro Lapeña, sa dokumentong isinumite sa kanila ng consignee na Green Aphelion Marketing, 11 packages ng mga parte ng makina na nagkakahalaga ng P1.3 milyon ang laman ng container van.

Nakalagay din aniya sa dokumento na ang exporter nito ay nakapangalan sa isang Xiamen XGMA at ang nakapirmang customs broker ay si Ferdie Alipio.

Kasunod nito, naglabas ng alert order ang Office of the District Collector ng BOC upang hindi mailabas ang ilegal na shipment habang hinihintay ang warrant of seizure and detention laban sa Green Aphelion Marketing dahil sa paglabag sa Customs Modernization and Tariff Act of 2016.

Binawi naman ang accreditation ng Green Aphelion Marketing at ng customs broker na si Alipio sa BOC.

Iniimbestigahan din ng BOC kung may mga empleyado silang sangkot sa mga ilegal na gawaing ito.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.