IP representative patay sa pananambang ng mga umano'y NPA sa North Cotabato

Jasper Acosta and Rodney Ontolan, ABS-CBN News

Posted at Apr 05 2018 05:37 PM | Updated as of Apr 05 2018 05:57 PM

Pinagbabaril ng mga armadong lalaki ang sasakyan na lulan si Antonio Takinan, kinatawan ng indigenous people ng Magpet, North Cotabato. Magpet Municipal Police Station

MAGPET, North Cotabato - Patay ang isang kinatawan ng indigenous people (IP) sa bayang ito habang sugatan naman ang 2 pa niyang kasama matapos pagbabarilin ang kanilang sinasakyan Miyerkoles ng gabi.

Katatapos lamang ng session at pauwi na sana sa kaniyang bahay dakong alas-5 ng hapon si Antonio Takinan, 50, kasama ang Barangay IP Representative na si Robello Tambunan at isang civilian volunteer organization member na si Rene Soriano nang mangyari ang insidente sa Barangay Tagbac.

Anim na lalaki na armado ng baril ang pumigil sa sasakyan ng mga biktima at pinagbabaril ito.

Tama ng bala sa ulo at dibdib ang ikinasawi ni Takinan, na siyang nagmamaneho ng sasakyan. Nasugatan naman sa tenga at iba pang bahagi ng katawan sina Tambunan at Soriano.

Natagpuan ng mga pulis sa pinangyarihan ng krimen ang 27 basyo ng pinagsamang .45-caliber at 9mm pistol. Lumalabas sa imbestigasyon na posibleng ang Special Partisan Unit (SPARU) ng New People's Army (NPA) ang nasa likod ng krimen.

Nitong Marso 16, nagpa-blotter si Takinan dahil sa umano'y natatanggap na pagbabanta mula sa grupo ng isang "Kumander Bobby" ng Guerilla Front Committee 54 ng NPA. 

Bunsod umano ito ng pagiging aktibo ni Takinan sa kaniyang mga kababayang katutubo na sumali sa Citizen Armed Force Geographical Unit (CAFGU), ayon kay Senior Insp. Jose Molina, hepe ng pulisya sa Magpet.

Naniniwala rin ang maybahay ni Takinan na posibleng kagagawan ng NPA ang pananambang sa kaniyang mister dahil na rin sa mga natatanggap nitong pagbabanta sa buhay dahil sa panghihikayat nito sa mga katutubo na sumali sa CAFGU o maging sundalo.

Hiling ng misis ni Takinan na mabigyan ng hustisya ang pagkamatay ng kaniyang mister.

"Ang mister ko active talaga siya sa paghikayat sa aming lugar na 'yung mga IP ay sumali sa CAFGU at sundalo. Nakakatangap siya ng pagbabanta," aniya.

Mariin namang kinondena ng Sangguniang Bayan ng Magpet ang pamamaslang kay Takinan dahil isa umano itong masipag at mabait na miyembro ng konseho.

Naniniwala rin ang mga kasamahan ni Takinan sa konseho na ang pagiging aktibo nito sa paghikayat sa mga katutubo na pumasok bilang CAFGU o sundalo ang dahilan ng pamamaslang sa kaniya.

"Malaking kawalan ang pagkawala ni IP Representative Antonio Takinan dahil tinutugunan niya ang pangangailangan ng mga katutubo. Kinokondena namin sa council ang pagpatay sa isang mabait na tao. Justice ang hangad namin para kay Takinan," ani Magpet Vice Mayor Rogelio Maranon.

Nasa kaniyang ikalawang termino si Takinan bilang IP Mandatory Representative sa bayan ng Magpet.

Kasalukyang nasa isang punerarya sa Kidapawan City ang labi ni Takinan para sa autopsy.

Nakatakdang bumuo ng special investigation task group ang pulisya para matutukan ang imbestigasyon sa kaso ng pagpaslang sa opisyal.