Ilang motorista pumalag sa paninita ng MMDA sa Commonwealth

ABS-CBN News

Posted at Apr 05 2018 10:14 PM | Updated as of Jan 16 2019 10:57 AM

Watch more in iWant or TFC.tv

Napasabak ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa mga pumapalag sa clearing operations sa kahabaan ng Commonwealth Avenue nitong Huwebes.

Dahil kailangang mapaluwag ang mabigat ng daloy ng trapiko sa lugar, sinaway ng Special Operations Group-MMDA ang lahat ng bawal at ilegal na gawain tulad ng pagbababa at pagsasakay kung saan-saan.

Nahuli ang drayber ng taxi na si Eduardo Buyan dahil nagbaba umano ito ng pasahero sa no-loading at no-unloading zone.

Dahil nasita sa obstruction, binusisi ang taxi ni Buyan at nadiskubre na paso na pala ang Certificate of Public Convenience o CPC nito.

Nang masampahan ng panibagong kaso, nag-init ang ulo ni Buyan at nakipagsagutan pa sa mga enforcer at kay Special Operations Group-MMDA chief Edison Nebrija.

Halos kalahating oras nag-maximum tolerance ang mga enforcer hanggang sa napikon na rin ang isa sa kanila at pinadagdagan ang kaso ni Buyan.

Hindi na nakapagpigil si Buyan na tila naghamon ng suntukan kay Nebrija.

Naawat ang dalawa pero muling sinugod ni Buyan si Nebrija.

Samantala, isang pakete ng hinihinalang shabu ang nasabat ng MMDA sa isang motorcycle rider na huhulihin sana dahil walang suot na helmet.

Ngunit humataw ito at itinumba ang motorsiklo saka tumakbo.

Magsasagawa ulit ng clearing operations ang MMDA sa Biyernes dahil sa Sabado na ang dry run ng bagong traffic scheme sa Commonwealth.

--Ulat ni Doris Bigornia, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.