Higit 1,000 OFW, siksikan at nagkakasakit na sa OWWA shelter sa Kuwait

Maxxy Santiago, ABS-CBN Middle East News Bureau

Posted at Apr 05 2018 07:15 PM

Sa kauna-unahang pagkakataon umabot na sa mahigit 1,000 ang mga distressed overseas Filipino workers (OFW) na nasa Philippine Overseas Labor Office-Overseas Workers Welfare Administration (POLO-OWWA) shelter sa Kuwait. 

Ito na ang pinakamaraming bilang ng mga ward o kinukupkop na naitala sa buong kasaysayan ng POLO-OWWA shelter sa Kuwait at maging sa buong mundo. 

Karamihan sa kanila, biktima umano ng iba't ibang klase ng pang-aabuso ng mga amo. 

Siksikan din sa shelter at marami sa kanila ay nagkakasakit na.

"Ang dami na po iyong nagkahawa-hawa dito, 'yong ubo at saka sipon," ani alyas "Mila."

"Nagka-allergy po ako sa kamay at katawan... Meron po akong ubo at sipon at palagi po akong nanghihina," kuwento naman ni alyas "Aisa."

Bilang tugon, nagsama-sama ang mga Filipino organization sa Kuwait para sa isang medical mission. 

"Itong medical mission natin was initiated by the Ambassador. He gave his instruction sa atin nga to organize the medical mission para mapangalagaan iyong kalusugan ng ating mga ward and nag-respond naman 'yong Filipino community," kuwento ni POLO-Kuwait officer-in-charge Nestor Burayag. 

Kabilang sa mga rumesponde ang grupo ng mga Pinoy nurse.

"Meron pong around 1,300 na kababayan na nandito sa POLO ngayon at marami pong mga cases ng ubo, sipon, meron pong mga lagnat. Tulong-tulong na po iyong nurses natin at volunteer doctors natin na mostly Kuwaitis na pumunta para magbigay ng tulong," ayon kay Robert Bulquiren, presidente ng grupong Pinoy Ambulance Nurses in Kuwait.

Bukod sa libreng check-up, may mga libreng gamot din para sa mga ward. 

Para ma-decongest ang shelter, inilipat ang may higit 300 sa isa pang bagong shelter. 

Bagama’t tuloy-tuloy ang repatriation ng mga ward, patuloy din ang pagtakbo ng mga distressed OFW sa shelter.

"On the average 20 to 30 a day na dumarating. Mabilis mapalitan. Nakakapag-repatriate man tayo, mabilis nare-replenish... Ang suporta naman ng gobyerno natin sa Pilipinas, tuloy-tuloy naman. In fact, nagpadala na sila ng additional funds para 'yong mga ticket dito na natin bilhin para mas mabilis," ani Burayag.

Nangako naman si Department of Foreign Affairs (DFA) Undersecretary for Migrant Workers Affairs Sarah Lou Arriola, patuloy ang pagtulong nila sa mga OFW sa Kuwait. 

"The embassy is always here for everyone to render assistance. Iyong repatriation po libre 'yon," ani Arriola. 

Bukod sa mga ward sa shelter, puspusan din ang pagpapauwi ng embahada sa mga undocumented OFW sa ilalim ng Kuwait amnesty program na magtatapos ngayong Abril 22.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.