Halos 1,600 dentista kailangan para sa oral health program ng DOH

Dexter Ganibe, ABS-CBN News

Posted at Apr 05 2018 12:19 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MANILA – Magkakaroon na ng mga dentista ang gobyerno sa mga barangay, munisipyo, at lalawigan sa buong bansa na tututok sa oral health ng mga Pilipino, lalo na sa mga nasa liblib na lugar.

Kasunod ito ng pag-apruba sa Cabinet meeting, Miyerkoles ng gabi, sa isinusulong ng Department of Health para palakasin ang oral health program sa buong bansa.

Sa naaprubahang panukala ng DOH, mangangailangan ang pamahalaan ng mahigit P4 bilyong pondo kada taon para sa pasuweldo ng mga iha-hire na halos 1,600 na mga dentista na magsisilbing mga opisyal at human resource sa mga tanggapan sa mga lalawigan, munisipalidad at mga barangay.

Sa panukala ng DOH, sasahod ng mahigit P17,000 ang mga iha-hire na dental hygienist, habang mula P30,000 hanggang P73,000 kada buwan naman ang sweldo ng maitatalagang opisyal.

Kabilang sa tututukan ng naturang program ang dental hygiene ng mag-aaral sa pampublikong paaralan.

Para din magkaroon ng sapat na bilang ng mga dentista sa bansa, isusulong din ang scholarship program sa mga gustong kumuha ng dentistry kapalit ng kanilang pagseserbisyo sa pamahalaan kapag natapos na ang kanilang kurso.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.