Alegasyong 'manipulasyon' ni Marcos, 'imbento' ayon kay Robredo

ABS-CBN News

Posted at Apr 05 2018 11:50 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Panay ang batuhan ng alegasyon ng kampo nina Vice President Leni Robredo at dating Sen. Bongbong Marcos.

Iginigiit ng panig nina Marcos na may mga patunay na nagkaroon ng manipulasyon sa botohan noong Halalan 2016.

Tingin naman ng kampo ni Robredo, imbento lang ang ebidensiyang sinasabi ni Marcos.

Isa sa ipinupunto ng natalo sa pagka-bise presidente ay ang posibilidad umano na tampered ang mga umano'y kuwestiyonableng balota sa recount ng mga boto.

Natuklasan daw mismo ni Marcos na nawawala ang audit logs sa mga ballot box simula nang gawin ang recount noong Lunes, Abril 2. 

Ang audit logs ay tulad ng black box ng mga eroplano na nagre-record ng lahat ng nangyari sa vote counting machines noong Halalan 2016.

Ayon kay Atty. Vic Rodriguez, tagapagsalita ni Bongbong Marcos, nangangahulugan ito na nagkaroon ng tampering at manipulasyon dahil nakompromiso na ang integridad ng mga balota.

"Kapag missing ang audit logs, ibig sabihin mayroon nang tampering, manipulation," ani Rodriguez. 

Natuklasan din umano na basa ang ilang bibilangin sanang balota.

Ayon pa kay Atty. Rodriguez, kahina-hinala na ang nabasa lang umano ay ang mga balotang may matataas na "undervotes" para kay Marcos.

"May gumalaw na no'ng ballot box. Kasi sinasabi nila 'e baka raw may bagyo,' ang galing no'ng bagyo, hinanap niya ang mga balota na matataas ang undervotes, 'yon lang ang basa," ani Rodriguez. 

Ang tinatawag na mga "undervote" ay ang mga balotang hindi binilang dahil hindi kumpleto ang boto ng botante sa iba't ibang posisyon.

Pero ayon sa kampo ni Vice President Leni Robredo, hindi pa rin ito maituturing na ebidensiya na nabago ang resulta ng halalan.

Buwelta pa ni Atty. Romulo Macalintal, abogado ni Robredo, inimbento lang ni Marcos ang mga ebidensiya na nakuha niya base sa personal na obserbasyon lang.

"Personal observations lang ni Mr. Marcos, o kung sasabihin niyang evidence 'yon, inimbentong ebidensiya ni Mr. Marcos na hindi dapat paniwalaan, inimbentong ebidensiya ni Mr. Marcos for media purposes but not for legal purposes," ani Macalintal. 

Sabi pa ni Macalintal, ang audit logs ay nasa mga election officer at hindi nawawala.

Dagdag pa niya, natural lang din na nababasa ang mga balota dahil sa mga bagyo at ulan pero puwede namang gamitin ang ballot images o naka-store na digital images ng mga balota para sa recount.

Ayaw tanggapin ni Marcos ang ballot images dahil may mga kaduda-duda umanong "square" o parisukat na lumabas dito.

Hinahabol ngayon ng kampo ni Marcos ang undervotes.

Sa unang tatlong probinsiya na bibilangin sa recount, 290,000 ang sinasabing undervote na boto na posible raw para kay Marcos. 

Matatandaang nasa 263,000 lang ang lamang ni Robredo noong halalan.

-- Ulat nina Ron Gagalac at Oman Bañez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.