5 sugatan sa banggaan ng van, jeep

Jekki Pascual, ABS-CBN News

Posted at Apr 05 2018 09:51 AM

MANILA – Sugatan ang 5 katao makaraang magbanggaan ang isang jeep at van sa España Avenue, Maynila, Huwebes ng umaga.

Kuwento ng isang pasahero ng jeep, normal ang takbo ng sasakyan at nagulat na lamang siya nang sumalpok ang van sa gilid nito.

Sa lakas ng impact, natulak ng ilang metro ang jeep at sumampa sa plant box sa sidewalk.

Nasira rin ang plant box at katabing poste ng street sign, gayundin ang harapan ng puting van.

Kabilang sa mga nasaktan ang mga driver ng parehong sasakyan at 3 pasahero ng jeep. Nahirapan pa ang mga rescuer na tanggalin ang jeepney driver mula sa kaniyang upuan.
 
Hindi pa tiyak ng mga imbestigador ang sanhi ng salpukan dahil iginiit ng driver ng van na ito'y dahil biglang huminto ang jeep, bagay na pinabulaanan ng driver nito.

Ipinaberipika na ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board kung may prankisa ang mga sasakyan.