150-kilong pawikan, patay matapos aksidenteng mabitag sa Palawan

Hazel Salas, ABS-CBN News

Posted at Apr 05 2018 10:24 PM

Isang 150-kilong pawikan ang aksidentent nabitag sa Roxas, Palawan nitong Martes. Marine Wildlife Watch of the Philippines

Patay ang isang 150-kilong pawikan matapos aksidenteng mabitag sa kulungan ng isda sa bayan ng Roxas, Palawan nitong Martes.

Isang leatherback sea turtle ang naturang pawikan, na may habang 160 centimeters at may bigat na 150 kilograms.

“Nakakapanghinayang dahil ang classification ng pawikang ito ay endangered na ang conservation status,” ani Jovic Fabello, tagapagsalita ng Palawan Council for Sustainable Development (PCSD).

Ayon sa mga nakakitang mangingisda, Martes ng hapon nang madiskubre nila ang pawikan sa karagatang nasasakupan ng Johnson Island, Roxas.

Pero Miyerkoles pa ito naipaalam sa mga kinauukulan kaya hindi agad nagamot o nasagip.

“Once na makakita tayo ng ganitong insidente, mangyari lamang na ipaalam ito sa nearest local authority para maipaalam din sa amin,” ani Fabello.

Pinag-aaralan din ng PCSD kung may iba pang dahilan kung bakit napadpad sa gawing norte ng lalawigan, partikular sa Sulu Sea, ang pawikan. Ito raw ay pambihirang pagkakataon dahil karaniwan ay nasa gawing timog lamang sila naninirahan.

“Very strange kasi ibang klaseng pawikan ang napapadpad doon,” ani Fabello.

Hindi ililibing ang leatherback turtle, sa halip ay nais itong ipreserve ng PCSD upang magamit sa information education campaign kaugnay sa mga endangered species.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.