12 katao timbog sa anti-illegal drug ops sa Malabon

Fred Cipres, ABS-CBN News

Posted at Apr 05 2018 09:04 AM

Umabot sa 84 gramo ng hinihinalang shabu ang nasabat ng awtoridad sa ikinasang magkakahiwalay na anti-illegal drug operations sa Malabon City. Fred Cipres, ABS-CBN News

MANILA - Timbog ang 12 katao, kabilang ang isang hinihinalang lider ng drug group, matapos ang magkakasunod na anti-illegal drug operations ng Northern Police District sa Malabon City.

Ayon kay Northern Police District Director Chief Superintendent Amando Empiso, unang naaresto sa ikinasang buy-bust operation ng District Special Operation Unit si alyas "Mabong," 32-anyos at residente ng Navotas City.

Nakabili ng P500 halaga ng shabu ang poseur buyer kay Mabong at nakuhaan pa ito ng 4 na plastic sachet ng hinihinalang shabu.

Matapos mahuli si Mabong ay itinuro nito ang mga sinusuplayan ng droga na nagresulta sa pagkakaaresto sa 11 pa.

Sa kabuuan, nasabat sa operasyon ang 84 na gramo ng hinihinalang shabu na may street value na mahigit P1-milyon, 2 hand grenade, 1 Uzi machine pistol at mga bala.