Nagdulot ng matinding takot sa mga mag-aaral at staff ng paaralan nang makumpirmang may dalang granada ang isang estudyante. Kuha ng Talisay City PNP
Inaresto ng Talisay City police ang isang 21 anyos na Grade 10 na estudyante Martes ng umaga, matapos mahuli na may dalang granada sa loob ng isang paaralan sa Talisay City, Negros Occidental.
Isang pedicab driver ang nagsumbong sa barangay na tinangka umano ng estudyante na itapon sa kaniya ang isang granada dahil hindi niya ito pinasakay.
Nagsumbong ang barangay sa mga pulis.
Agad na pinuntahan ng mga pulis ang paaralan at hinanap ang estudyante.
Ayon kay Police Lieutenant Abegael Donasco, Deputy Chief ng Talisay City PNP, inipit pa ng estudyante ang granada sa kaniyang mga hita pero nakuha ito ng mga pulis. May hinihinalang marijuana at pipa ring nakuha mula sa kanyang bulsa.
Nagdulot ng matinding takot sa ibang estudyante at staff ng paaralan ang insidente.
Agad na sinuspende ang pasok at pinauwi ang mga estudyante.
Hindi na nagpaunlak ng interview ang estudyante na agad pina drug test ng awtoridad.
Nakatakdang sampahan ng kasong grave threats, paglabag sa Republic Act 9516 dahil sa ilegal na pagdala ng granada, at paglabag sa Republic Act 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang estudyante.
— Ulat ni Romeo Subaldo
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.