PatrolPH

Sunog sumiklab sa Quezon City, Las Pinas

ABS-CBN News

Posted at Apr 04 2022 09:56 PM | Updated as of Apr 05 2022 12:44 AM

MAYNILA (UPDATE) – Sumiklab ang sunog sa residential areas sa Quezon City at Las Piñas City ngayong Lunes.

Hapon nangyari ang insidente sa 21st Avenue, Barangay Tagumpay, Project 4, samantalang sa gabi naman ang naganap na sunog sa Bonifacio, Pamplona Uno sa Las Piñas, ayon sa Bureau of Fire Protection. 

Umabot ang sunog sa Quezon City sa unang alarma pasado alas-4 ng hapon, ayon sa report ng BFP.

Pero idineklara itong fire under control nang 5:14 p.m., at fire out nang 6:03 p.m.

Nagsimula umano ang sunog sa ikatlong palapag ng bahay ng isang Jesus Cobilla sa barangay.

“Kakagising ko lang noon, bumaba ako para umihi. 'Pag akyat ko po parang iba ang init tapos amoy usok,” kwento ni Evelyn Organo, isa sa mga 13 pamilyang na apektohan ng apoy sa Project 4.

Sinubukan niyang magsalba ng mga gamit pero hindi na niya ito nagawa.

“Umuusok na nag katabing bahay namin. Tapos umakyat ulit ako sa 3rd floor namin, gumagapang na po ang apoy. Cellphone lang ang nakuha namin,” ani Organo.

Umaabot sa P45,000 ang halaga ng pinsala ng sunog sa Tagumpay.

Sa Las Piñas, pasado alas-7 ng gabi nang itinaas ang sunog sa unang alarma, at agad namang naapula banda 8:13 ng gabi.

Inaalam pa kung may nasaktan o nasawi sa insidente.

Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon sa parehong sunog hinggil sa pinagmulan ng mga ito.—Ulat ni Jasmin Romero, ABS-CBN News

KAUGNAY NA VIDEO

Watch more on iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.