PatrolPH

Manila Mayor Isko nabakunahan na kontra COVID-19

ABS-CBN News

Posted at Apr 04 2021 01:41 PM

Manila Mayor Isko nabakunahan na kontra COVID-19 1
Nabakunahan kontra COVID-19 nitong Abril 4, 2021 si Manila Mayor Francisco Domagoso gamit ng Sinovac vaccine. Retrato mula sa Facebook.com/iskomorenodomagoso

MAYNILA – Nabakunahan ngayong Linggo laban sa coronavirus si Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso.

Mismong si Manila Vice Mayor Honey Lacuna, na isang doktora, ang nagturok kay Domagoso ng COVID-19 vaccine na gawa ng Chinese pharmaceutical company na Sinovac, sa President Sergio Osmeña High School sa Tondo district.

Ayon kay Domagoso, nagpabakuna siya matapos payagan ni Pangulong Rodrigo Duterte at ng Inter-Agency Task Force na mabakunahan ang mga mayor na nasa “hot zone” ng pagkalat ng COVID-19, tulad ng Metro Manila.

“I made a commitment to the people of Manila that I would get the Sinovac vaccine. A lot of Filipinos have doubts about Sinovac, so as a matter of commitment, I got vaccinated with it,” ani Domagoso.

Sinabayan ni Domagoso ang nasa 1,350 residente ng Maynila na nakatakda ring bakunahan ngayong Linggo.

Karamihan sa mga naka-schedule na maturukan ay mga nasa A3 group ng priority list o iyong mga may comorbidities o sakit na may edad 18 hanggang 59.

Tuloy-tuloy lang ang pagpapabakuna sa Maynila hangga't may supply, ani Domagoso. Sa katunayan, nagpatuloy ang mga aktibidad kahit noong Semana Santa.

“We have to continue to vaccinate. If the infection is fast, then the vaccination must be faster,” sabi ng alkalde.

Tigil naman muna ang Maynila sa pagbabakuna sa mga nasa A2 group o senior citizens dahil ubos na ang AstraZeneca vaccines na nakalaan para sa kanila.

Sa kabuuan, 41,692 indibiduwal na ang nakakuha ng unang dose ng COVID-19 vaccine sa Maynila.

Nauna nang inihayag ng isang opisyal ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na isinama na ang mga governor, mayor at barangay chair sa A4 group ng priority list, na para sa mga “frontline essential worker.”

Bago nito, naglabas ng show cause order ang DILG para sa ilang mayor upang pagpaliwanagin ang mga ito kung bakit nagpabakuna sila gayong health workers ang dapat unahin.

– May ulat nina Jekki Pascual at Isay Reyes, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.