PatrolPH

Lalaki patay sa pamamaril ng nakaalitang motorista sa Iloilo

ABS-CBN News

Posted at Apr 04 2021 02:15 PM

ILOILO CITY – Patay ang isang lalaki matapos umanong pagbabarilin ng nakaalitan niyang lalaki sa Barangay Tagbac, Jaro district, gabi ng Sabado.

Ayon sa mga awtoridad, may edad 19 ang biktima, na galing sa karatig-bayan ng Leganes.

Nagpunta sa convenience store sa Leganes ang biktima kasama ang kaniyang nakababatang kapatid bago mangyari ang krimen, base sa imbestigasyon.

Iniwan ng biktima ang kapatid sa convenience store para magpagasolina ng motorsiklo sa Jaro. Pero habang papunta doon ay may nakagitgitan umano siyang isa ring lalaking naka-motorsiklo.

Nagkaroon ng mainit na pagtatalo sa pagitan ng biktima at salarin hanggang sa bumunot ito ng baril at pinagbabaril ang biktima nang 3 beses.

Agad tumakas ang salarin sakay ng kaniyang motorsiklo.

Rumesponde ang mga pulis at dinala ang biktima sa ospital, pero idineklara itong dead on arrival.

Patuloy na inaalam ng mga awtoridad ang pagkakakilanlan ng salarin.

– Ulat ni Rolen Escaniel

RELATED VIDEO:

Watch more on iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.