PatrolPH

6 arestado sa paglabag sa liquor ban, health protocols sa Davao City

ABS-CBN News

Posted at Apr 04 2021 01:35 PM

DAVAO CITY – Anim na lalaki ang hinuli sa Baguio district ng lungsod na ito dahil sa mga paglabag sa mga community quarantine protocol, ayon sa mga awtoridad.

Natiyempuhan ng mga pulis noong Biyernes Santo ang 6 na lalaki na may mga edad 18 hanggang 61 na nag-iinuman ng alak sa labas ng isang bahay sa Barangay Wines, na paglabag sa umiiral na liquor ban.

Hindi rin umano nasunod ng mga lalaki ang physical distancing, na isang hakbang laban sa pagkalat ng COVID-19.

Nakumpiska ng mga pulis ang isang galon ng tuba o coconut wine.

Magugunitang pinalawig ng lokal na pamahalaan ng Davao City ang liquor ban nito hanggang Mayo 31 dahil, ayon kay Mayor Sara Duterte, nakakaengganyo ang alak ng mga pagtitipon na maaaring maging sanhi ng pagkalat ng COVID-19.

– Ulat ni Hernel Tocmo

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.