VIRAL: 2 nurse namahagi ng pagkain sa lansangan sa Davao City

Berchan Louie Angchay, ABS-CBN News

Posted at Apr 04 2020 02:00 AM | Updated as of Apr 04 2020 02:20 AM

Photo courtesy of Hafiz Marohombsar

DAVAO CITY - Viral ngayon sa social media ang act of kindness ng 2 nurse matapos mamahagi ang mga ito ng pagkain sa mga natutulog sa lansangan sa Davao City nitong Miyerkoles ng gabi.

Sa kanyang social media account, ibinahagi ni Hafiz Marohombsar ang kanyang karanasan nang magbigay sila, kasama ang kanyang kasama sa trabaho, ng mga pagkain at tubig sa mga natutulog sa lansangan sa lungsod.

Naisip ito ng kanyang kasama sa trabaho.

Dahil umalis nang maaga ang kanilang free shuttle matapos ang 3 p.m.-11 p.m. work shift sa ospital ay napagdesisyunan nilang maglakad na lang pauwi.

Pero dumaan muna sila sa isang tindahan sa hiling ng kanyang kasama sa trabaho para bumili ng pagkain.

"Naramdaman ko na po ang sincerity ng kaibigan ko nung nag-insist po siya sa akin na maglakad pauwi para lang madaanan at matulungan ang mga natutulog sa kalsada," ani Hafiz.

Nag-alok pa si Hafiz na bayaran ang kalahati ng halaga ng mga nabiling pagkain pero tumanggi na ang kanyang kasama sa trabaho.

Naantig ang puso ng mga netizen sa ginawa ng dalawa.

Tanging hiling ni Hafiz at kanyang kasama sa trabaho, na mabigyan ng pansin ang mga natutulog sa lansangan lalo na't ipatutupad na ang enhanced community quarantine sa Davao City.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.