Selebrasyon ng Semana Santa online muna dahil sa COVID-19

Jekki Pascual, ABS-CBN News

Posted at Apr 04 2020 11:36 AM

MAYNILA - Magsisimula na ang Semanta Santa sa Linggo at sa unang pagkakataon, lahat ng mga misa at mga aktibidad ay gagawing online o sa internet na makikita dahil sa enhanced community quarantine laban sa paglaganap ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).
 
Sa Palm Sunday, ayon sa Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP), maaring manood ng misa sa bahay at puwedeng mabasbasan ang mga palaspas sa pamamagitan ng pakikinig sa Salita ng Diyos na sasabihin ng pari sa misa.

Kung walang palaspas, maaaring gamitin ang kahit anong sanga na may dahon o kung ano man ang halaman na makita sa bahay. Hindi kailangan ng Holy Water sa pagbasbas ng palaspas na nagsisimbolo ng simula ng Semana Santa. 

Online din ang mga misa sa buong Holy Week hanggang Easter Sunday. Hindi na muna itutuloy ang mga nakagawiang mga aktibidad gaya ng Bisita Iglesia, Siete Palabras, Good Friday procession at Salubong sa Easter Sunday. 

Ito ay pakikiisa na rin ng simbahan para labanan ang pagkalat ng COVID-19.

Gayunpaman, paalala ng simbahan na kahit nasa bahay, taimtim pa rin ang pagdarasal at maglaan talaga ng oras para sa misa at pagdasal.