Sapat na ayuda hiling laban sa matinding epekto ng COVID-19 sa Bohol

ABS-CBN News

Posted at Apr 04 2020 06:28 PM


MAYNILA - Tiniyak ni Bohol Governor Arthur Yap na makararating ang ayudang ipaaabot ng national government sa lahat ng mahihirap na pamilyang naapektuhan ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) pandemic sa probinsiya.

Hiling niya na sana ay sasapat sa dalawang buwang pangangailangan ng kaniyang mga kababayan ang tulong mula sa pamahaalang nasyonal.

"...[K]ung lahat bibigyan, sana supisyente naman ang iaabot na tulong na ayuda ng national government," sabi ni Yap sa Laging Handa presser Sabado ng umaga.

Aminado si Yap na kukulangin kung dedepende lang sa pondo ng Bohol at ng mga alkalde.

"Very broad kasi guidelines ng Social Amelioration Act program, 'yung process of choosing kung sino mga dapat bigyan parang lahat kailangang bigyan at puwedeng bigyan," sabi niya.

Nauna nang inanunsiyo ni Pangulong Rodrigo Duterte ang P200-billion social amelioration program para sa mga mahihirap na pamilyang apektado ng krisis. 

Ito aniya ang kasalukuyang tinatalakay ng mga alkalde sa Bohol.
 
"There has to be a solution on what to do dahil kukulangin talaga 'yung ibibigay na P6,000 para sa amin sa Bohol, sa Region 7. 'Yung P6,000 na ibibigay sa dalawang buwan, 'yun ang nakikitang problema," aniya.

Isa ang Bohol sa mga tourist destinations sa bansa na lubhang naapektuhan ng pagkalat ng nakahahawang virus. Dahil kasi sa sakit ay limitado na muna ang nakababiyahe, kabilang ang mga turista. 

"Ang impact sa amin matindi dahil 'di kami tulad ng ibang lugar o lalawigan sa Pilipinas na ang ekonomiya puwedeng balansehin ng mga pabrika at ng iba-iba pang components ng economic sectors nila," paliwanag niya.

Dalawa lang aniya ang basehan ng kanilang revenue: turismo at OFW remittance.

"By January pa lang, humina na turismo dito sa Bohol. By February-March, wala na, 70 percent na tama sa amin by that time. Long before the community quarantine in Manila, damang-dama na namin ang impact ng COVID-19 dahil nagsasara na resorts namin," sabi niya.

Ang lubhang natamaan ng epekto ng COVID-19 ay ang mga resorts, wellness at transport industry.

Umapela rin ang gobernador sa Bangko Sentral ng Pilipinas na saklolohan din sa pamamagitan ng pagpapalawig pa ng panahon upang makabayad ng utang ang mga humiram sa bangko para ipambili ng mga bus o vans para sa kanilang negosyo nang sa ganun ay hindi maremata ang kanilang mga ari-arian.

"Ang hinihingi sana namin, lahat ng interest na 'yun kung puwede hilahin pa sa original term ng utang para mas humaba 'yung panahon na makabayad sila," sabi niya.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.