Mga frontliner nagtulong-tulong sa pagpapaanak sa quarantine checkpoint sa Capiz

Regi Adosto, ABS-CBN News

Posted at Apr 04 2020 03:31 AM

Photo courtesy of Police Capt PJ Pisuena, Jamindan Police

Nagtulong-tulong ang mga frontliner sa Jamindan, Capiz sa pagpapa-anak ng isang buntis sa boundary ng Barangay Lucero at Pasol-o, Jamindan, Capiz nitong Biyernes ng umaga.

Imbes na i-transport pa, nagbayanihan na lang ang mga awtoridad at dahil kumpleto naman sa gamit at may taga-rural health unit (RHU) sa incident command post, matagumpay nilang napaanak ang 38 anyos na si Anelyn Casimoro.

Nasa quarantine checkpoint ang mga frontliner nang humingi ng tulong ang asawa ng buntis mula pa sa malayong Barangay Agbun-od para madala sana sa bayan ang kanyang asawa.

Pero ayon kay Police Capt. PJ Piseuna ng Jamindan Police, may kalayuan ang lugar ng ginang at rough road pa kaya hindi na ito umabot ng RHU.

Naka-lockdown din kasi ang Barangay Lucero dahil may naitala na kaso ng novel coronavirus dito, kung kaya sa tent na mismo kung saan naka-assign ang mga frontliner nanganak ang ginang.

Ayon sa mga awtoridad, pang-apat na anak ng ginang ang malusog na sanggol na lalaki kaya hindi naman ito nahirapan.

Nasa RHU na ang mag-ina at nasa mabuting kalagayan.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.