Ilonggo pandesal ipamamahagi sa mga residente ng Iloilo City

Cherry Palma, ABS-CBN News

Posted at Apr 04 2020 06:04 PM | Updated as of Apr 05 2020 11:08 AM

Magtutulong-tulong ang mga kompanyang makagawa ng pandesal na kanilang ipamamahagi sa mga residente ng Iloilo City sa loob ng 14-araw. Larawan mula sa Angelina Bakeshop

ILOILO CITY - Magtutulong-tulong ang mga kompanya sa Iloilo para makagawa at makapamahagi ng pandesal sa mga residente simula Lunes sa gitna ng pagpapatupad ng enhanced community quarantine sa lungsod.

Ayon kay Iloilo City Mayor Jerry Treñas, magtutulong-tulong sa paggawa ng mga pandesal ang Uygongco flour Mill, Great Harvest Commodities, Carlos Uy at Angelina Bakeshop at tatawagin itong Ilonggo pandesal.

Ang mga kompanya ang magbibigay ng “ingredients” at ang kanilang mga tauhan din ang gagawa ng mga pandesal.

Ayon sa alkalde, sisikapin nilang makagawa ng 43,000 pirasong pandesal bawat araw.

Magbibigay ng pandesal sa mga residente ang Iloilo City government kasama ang mga kompanya sa loob ng 14 araw.

Dagdag pa ni Treñas, ang ideya ay galing sa kaniyang anak na si Paulo at anak ng may-ari ng Angelina Bakeshop na si Ted Valderrama sa layuning makatulong sa mga mahihirap habang nagpapatuloy ang enhanced community quarantine.

Pinasalamatan naman ng alkalde ang private sectors na patuloy na nagbibigay ng suporta para sa kapwa nila mga Ilonggo.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.