PatrolPH

Air pollution sa Maynila, nabawasan dahil sa lockdown

Jekki Pascual, ABS-CBN News

Posted at Apr 04 2020 10:27 AM

MAYNILA - Malaki ang ibinawas sa air pollution sa Maynila dahil nabawasan ang mga tao at sasakyan sa mga lansangan dulot ng lockdown.

Ayon sa datos ng Clean Air Asia na ipinamahagi ng Manila Public Information Office, gumanda ang kalidad ng hangin sa ilang parte ng kapital.

Ang particulate matter o tinatawag na PM 2.5 ay air pollutant na delikado kung dumarami.

Sa Mendiola, bumaba ito ng 13 porsiyento nang magsuspinde ng klase noong Marso 9.

Bumaba pa ito ng 4 porsiyento noong nagsimula ang community quarantine noong Marso 16.

At sa ikalawang linggo ng lockdown, bumaba pa ito ng 36 porsiyento.

Sa kabuuan, bumaba ang air pollution sa Mendiola ng 50 porsiyento kumpara noong bago pa magkaroon ng lockdown.

Ito rin ang sitwasyon sa Rizal Park at sa Freedom Triangle sa may Manila City Hall noong Marso 9.

Bumaba ang air pollution level sa Rizal Park ng 61 porsiyento kumpara noong Pebrero. At bumaba naman ng 74 porsiyento ang air pollution level sa may Manila City Hall.

Nauna na ring sinabi ng Department of Environment and Natural Resources at mga environmental scientist ng UP na bumaba ang air pollution levels sa buong Metro Manila dahil sa quarantine.

Ayon pa kay Environment Secretary Roy Cimatu, inaasahan na rin yan dahil mas kaunti ang emissions mula sa mga sasakyan at konti lang din ang basura sa kalsada dahil naka quarantine sa bahay ang mga tao.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.