5 online sellers, tiklo sa pagbebenta ng overpriced medical supplies sa CDO

ABS-CBN News

Posted at Apr 04 2020 09:26 PM

Sa magkakahiwalay na operasyon nahuli ang limang suspek. Photo Courtesy: CDO City Information Office

CAGAYAN DE ORO--Limang tao ang hinuli sa magkakahiwalay na operasyon ng mga awtoridad sa lungsod na ito, dahil sa pagbebenta online ng medical supplies na sobra umano sa suggested retail price (SRP).

Nitong Biyernes, dalawang babae ang hinuli sa entrapment operation sa Yacapin Street matapos magbenta ng N95 masks na may halagang P235 at P40 na disposable mask.

Mas mataas ito sa P45 hanggang P105 na SRP sa N95 mask at P28 para sa disposable mask.

Huli naman ang dalawang lalaki nitong Sabado sa Barangay Lapasan sa pagbebenta rin ng overpriced surgical gloves. Binebenta nila ito sa halagang P580 kada box kahit nasa P295 lang ang market price nito.

Timbog din ang isang lalaki sa pagbebenta ng overpriced na disinfectant sa Barangay Bulua.

Binebenta niya ito sa halagang P1,500 per gallon kahit pa man P950 dapat ang selling price, ayon sa mga awtoridad. Wala rin itong lisensiya para magtinda ng disinfectant.

Ayon kay Antonio Resma Jr., miyembro ng City Price Coordinating Council, nag-ugat ang kanilang operasyon sa mga reklamo ng concerned citizens.

Mahaharap sa kasong paglabag sa Price Act, Consumer Act of the Philippines, at Bayanihan to Heal as One Act ang mga suspek.

-- Ulat ni Angelo Andrade, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.