PatrolPH

Ilang palaisdaan natutuyo, mga isda namamatay dahil sa El Niño

ABS-CBN News

Posted at Apr 04 2019 09:03 PM

Bukod sa mga sakahan, unti-unti na ring napeperwisyo ang maraming palaisdaan sa bansa, na ang iba ay natutuyot na dahil sa labis na init ng panahon. 

Problema ngayon ng mga bangus grower ang natutuyong palaisdaan nila sa Dagupan City.

Mababaw na din kasi ang mga ilog kaya hindi makapasok ang tubig sa mga palaisdaan.

Nangangamba tuloy sila na hindi na mabubuhay pa ang alagang fingerlings. 

"Pag ganito talagang mainit ang panahon mahirap pumasok [ang tubig sa palaisdaan]," sabi ni Cristina Mamaril, caretaker ng palaisdaan.

Ayon sa City Agriculture Office ng Dagupan, limang barangay sa lungsod ang nakararanas ng pagkatuyo ng palaisdaan. 
    
Sa Zamboanga City, namamatay ang mga alagang bangus at hipon sa halos walong ektaryang palaisdaan dahil sa matinding init. 

Sabi ng kanilang lokal na pamahalaan, papalo na sa P8.9 milyon ang halaga ng pinsala sa mga palaisdaan. 

Bukod sa mga bangus, may mga nasira na ring seaweed.

Sa Iloilo, sinasamantala na lang ng mga fishpond caretaker ang natutuyong palaisdaan para gumawa ng asin. Naibebenta nila ito ng P400 kada sako. 

Ayon sa monitoring ng PAGASA hydrology division, patuloy ang pagbaba ng nibel ng tubig ng mga dam sa Luzon.

Sa pagtataya ng PAGASA, posible pang pumalo sa higit 38 degrees Celsius ang temperatura sa Kamaynilaan ngayong Abril. 

Sa tala ng Department of Agriculture, umabot na sa mahigit P5 bilyon ang pinsalang dinulot ng El Niño sa agrikultura.

—Ulat ni Joanna Tacason, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.