MAYNILA - Nagbabala si Pangulong Rodrigo Duterte na magdedeklara siya ng "revolutionary war" at sususpendihin ang writ of habeas corpus.
Ayon kay Duterte, marami siyang kinaharap na problema ng Pilipinas kabilang na dito ang sa kriminalidad, droga, at rebelyon.
Sa kaniyang talumpati sa Annual Convention of the Prosecutors League of the Philippines sa Palawan, nagbabala siyang kapag siya ay nasagad sa mga problemang ito, magdedeklara umano siya ng suspensiyon ng writ of habeas corpus at ipapaaresto ang mga sangkot sa mga krimen.
Kapag pinahirapan pa umano siya ng mga rebelde, mga kriminal at mga durugista, magdedeklara rin umano siya ng revolutionary war hanggang matapos ang kaniyang termino.
Sa kaniyang talumpati, binanatan din niya si Sen. Franklin Drilon dahil sa pagsabi nitong kailangan mag-ingat ang gobyerno sa pagrepaso sa lahat ng mga kontratang pinasok ng pamahalaan.
Ani Duterte, bakit kailangang mag-ingat na mabali ang obligasyon ng gobyerno sa mga kontratang hindi naman pabor sa interes ng mga tao.
Pagdating naman sa usapin ng droga, sinabi ng Pangulo na hindi siya papayag na isapubliko ang listahan ng mga artistang sangkot umano sa illegal drug trade.
Mga pribadong indibidwal ang mga ito at hindi tulad ng mga politiko na nasa narco list na may hawak na posisyon sa gobyerno.
Kaya umano niya isinapubliko ito dahil gusto niyang malaman ng publiko kung sino ang mga tiwali sa gobyerno.
Sinabi rin ni Duterte na bilang pangulo, kahit ano umano ay maaari niyang sabihin.
Aminado siyang madalas niyang sinasabi na dapat patayin ang mga sangkot sa droga, pero aminado siyang minsan ito ay pananakot lang sa taumbayan.
Ang utos umano niya sa mga pulis ay sirain ang mga aparato ng droga para hindi lumaki ang industriya ng ilegal na droga sa bansa.
Nagbabala rin ang pangulo sa mga sangkot sa smuggling.
Ipinag-utos umano niya sa Armed Forces of the Philippines na tugisin at patayin ang mga smuggler sa bansa.
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.