DFA tinawag na 'ilegal' ang pagligid ng Chinese vessels sa Pag-asa

ABS-CBN News

Posted at Apr 04 2019 06:43 PM

Tinawag ng Department of Foreign Affairs (DFA) na ilegal ang pagligid ng daan-daang sasakyang pandagat ng Tsina sa Pag-asa Islands.

Ito ay matapos kumpirmahin na pinapalibutan ng mga naturang vessel ang disputed territory magmula pa noong Enero.

Sa pahayag ng DFA, iginiit nilang napapabilang sa Kalayaan Island Group, isang teritoryong kontrolado ng Pilipinas, ang Pag-asa Island.

"Accordingly, the presence of Chinese vessels near and around Pag-asa and other maritime features in the KIG (Kalayaan Island Group) is illegal," anila.

Dagdag pa nila na paglabag ang aksiyon ng Tsina sa soberaniya at karapatan ng Pilipinas.

Kinuwestiyon din ng ahensiya ang motibo ng matagal na pananatili ng mga sasakyang pandagat sa lugar.

"Such actions are a clear violation of Philippine sovereignty, sovereign rights and jurisdiction, as defined under international law including the 1982 United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS),” anila.

"Moreover, it has been observed that Chinese vessels have been present in large numbers and for sustained and recurring periods - what is commonly referred to as "swarming" tactics - raising questions about their intent as well as concerns over their role in support of coercive objectives," dagdag ng ahensiya.

Nanawagan ang DFA sa Tsina na tumupad sa kasunduan ng dalawang bansa na huwag gumawa ng ano mang hakbang na magpapalala sa sitwasyon - isang bagay na napagkasunduan noong bumisita sa Pilipinas si China President Xi Jinping.

Nanawagan din ang ahensiya na tumupad ang lahat sa kasunduang "Declaration on the Conduct of Parties in the South China Sea" habang patuloy ang negosasyon para sa isang Code of Conduct ukol sa mga teritoryo.

Giit ng DFA na ihahayag ng Pilipinas ang posisyon nito sa pagtutol sa mga umano'y iligal na hakbang ng China sa mga note verbale o pakikipag-ugnayan at pakikipagpulong nito sa kanilang mga opisyal.

DIPLOMATIC PROTEST

Nanawagan naman si Supreme Court Senior Associate Justice Antonio Carpio na maghain ng diplomatic protest ang pamahalaan para ipakitang hindi nito isinusuko sa China ang Pag-asa Island.

Aniya, walang karapatan ang Tsina na mangisda sa loob ng 12 nautical mile territorial sea ng Pag-asa, at maaari lang sila magsagawa ng "innocent passage" o dumaan nang dere-deretso nang hindi tumitigil.

"These vessels must transit in a straight, continuous and expeditious passage. These vessels cannot stop, loiter or even zigzag in our territorial sea," anila.

Dapat din umanong iprotesta ng pamahalaan ang pag-angkin ng China sa Sandy Cay at dalawang iba pang sand bar na bahagi ng teritoryo ng bansa.

Samantala naghain na ng resolusyon si Senador Risa Hontiveros para imbestigahan ang paglalayag ng mga Chinese vessels sa teritoryong sakop ng Pilipinas.

-- Ulat ni Willard Cheng, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.