2 suspek sa pagpatay sa mag-iina sa Bulacan nasa kustodiya na ng PNP

Jervis Manahan, ABS-CBN News

Posted at Apr 04 2019 10:19 AM | Updated as of Apr 04 2019 08:08 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Hawak na ng pulis ang 2 suspek sa pagpatay sa mag-iina sa San Jose Del Monte, Bulacan, kinumpirma ng mga awtoridad ngayong Huwebes.

Natagpuang patay sa loob ng bahay ang 28 anyos na si Jaymee Casabuena, at ang kanyang dalawang batang anak na 8 at 5 taong gulang.

May mga saksak sa katawan ang mga biktima at pinatay pati ang aso sa loob ng bahay.

Unang nahuli ang suspek na si Wilson Cortes sa North Caloocan. Asawa umano siya ng pinsan ni Casabuena.

Sa isa pang follow-up operation ay nahuli naman sa San Jose Del Monte, Bulacan ang pangalawang suspek na si Joselito Cortez.

Nahuli sila base sa mga salaysay ng mga witness sa lugar.

Pagnanakaw ang isa sa mga tinitingnang anggulo sa pagpatay. Magugunitang natagpuang bukas ang mga drawer sa bahay nang makita ang bangkay ng mga biktima.

Single mother si Casabuena at silang tatlo lang talaga ang nakatira sa loob ng bahay.

Lumalabas sa imbestigasyon ng Bulacan police na nag-text noong Abril 2 ang biktima sa kaniyang pinsan at sinabing naroon si Wilson na nakainom at may kasama pang isang lalaki.

"'Yung isang kapitbahay nila na nakapansin na noong April 2, more or less 9 p.m., may napansin na kumakatok na dalawang lalaki sa bahay ng biktima," ani Bulacan PNP director Police Col. Chito Bersaluna.

Inamin ng dalawa ang krimen at nais lang daw nilang nakawan ang mga biktima para makakuha ng pang-inom. Kinuha umano nila ang cellphone ng biktima at ibinenta ng P200.

Nahaharap ngayon ang dalawang suspek sa kasong robbery with homicide.

-- May ulat ni Jeck Batallones, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.