Pagkuha ng 'habal-habal' via Facebook, patok; LTFRB nagbabala

ABS-CBN News

Posted at Apr 04 2018 08:24 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Tila may "underground" na operasyon na ngayon ang mga habal-habal o motorsiklong nais mamasada sa harap ng kawalan ng polisiya at pagtutol dito ng gobyerno. 

Sari-sari ang paraan ng mga ito upang makaakit ng pasahero. Ang ilan, nakatambay lamang at naghihintay ng maisasakay habang ang iba, digital na rin ang sistema sa Facebook. 

Ang siste, magpo-post ang pasahero sa group ng pick-up at drop off points, maglalagay na rin siya kung magkano ang nais na pasahe. Sunod na mag-uusap sa private message ang kakagat na habal-habal driver at kapag nagkasundo ay saka magkikita.

Pagkatapos, kailangan i-delete na ang pag-uusap.

Naaalarma ang mga transport advocates tulad ni George Royeca na matagal nang mino-monitor ang ilegal na sistema na ito sa Facebook.

"Kahit hindi niyo kilala ang tao ibibigay niyo ang address niyo. This poses a lot of danger,” ani Royeca ng grupong Transport Watch. 

Tingin ni Royeca, patuloy pang lolobo ang demand ng habal-habal sa Facebook. Kaya suhestiyon niya na gawin na itong legal para ma-regulate at magkaroon ng sapat na pagsasanay ang mga rider at may insurance pa ang mga pasahero.

Pero hinarang kaagad ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang ideya, dahil wala raw sa kanila ang kapangyarihang gawing legal ito. 

“It should be stressed that under the Commonwealth Act 146, hindi talaga puwede ang motorsiklo maging public utility vehicle unless Congress comes up with a new legislation regarding mga habal-habal. It remains kolorum," ani LTFRB Board Member Aileen Lizada.

Giit pa ng opisyal, hindi raw talaga ligtas ang mga motorsiklo upang ipamasada.

"Hindi po safe ang mga motorsiklo and mahirap po kasi walang insurance ang mga sumasakay doon. Mas lalong hindi natin nache-check ang mga sinasakyan nila. Huwag na po natin hintayin na may maaksidente pa or may mamatay," aniya. 

Dati nang ipinagbawal ng LTFRB ang app-based hailing service na Angkas, na gumagamit ng motorsiklo para magsakay ng pasahero.

Sisilipin din daw ng ahensiya ang mga Facebook pages na nabanggit ng Transport Watch.

--Ulat ni Jacque Manabat, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.