Nagsusugal na pulis, may P600,000 chips nang mahuli

ABS-CBN News

Posted at Apr 04 2018 10:52 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Arestado ang isang pulis nitong Miyerkoles matapos mahuling naglalaro sa loob ng isang casino sa Parañaque City. 

Sa mga larawan mula sa security camera ng casino, makikitang tumataya sa baccarat table si Superintendent Adrian Antonio na nakatalaga bilang administrative officer ng Directorate for Operations sa Camp Crame.
    
Dahil mahigpit na pinagbabawal ang pagpasok at paglalaro sa casino ng sinumang empleyado ng gobyerno, inaresto ng Parañaque police sa tulong ng casino security si Antonio, na noo’y may hawak na P600,000 halaga ng casino chips.
    
Ayon kay National Capitol Region Police Office (NCRPO) chief Oscar Albayalde, si Antonio ang unang pulis na nahuling nagka-casino mula nang higpitan nila ang pagbabantay nitong Enero.

“Ang isang reason niya kung bakit siya nandoon ay para tubusin 'yung naisangla niya na pick-up for P600,000. Dahil nga nalulong na siya sa sugal, lahat na lang ng personal belongings niya... ay naisangla na niya," sabi ni Albayalde.
    
Dagdag nito, dapat ding sumailalim sa counseling si Antonio.
    
Aminado naman si Antonio na nalulong siya sa sugal pero sariling pera umano niya ang kaniyang ginagamit.

Nahaharap sa kasong kriminal at administratibo si Antonio na pansamantala munang ipiniit ng Parañaque City police.

Noong Setyembre, inimbestigahan ng Presidential Communications Operations Office (PCOO) kung labag sa reglamento ng Malacañang ang pagsasayaw ni PCOO Assistant Secretary Mocha Uson sa loob ng isang casino. 

Lumabas kasi sa social media posts na nagtatanghal si Uson kasama ng kaniyang grupong "Mocha Girls" sa Bar 360 ng Resorts World Manila.

Sa ilalim ng Memorandum Circular No. 6 ng Malacañang, ipinagbabawal ang pananatili, pagpasok, at paglalaro sa casino ng mga opisyal ng gobyerno, mga miyembro ng Armed Forces of the Philippines, at mga indibidwal na 21 taong gulang pababa.

Bago yumao, naging kontrobersiyal si dating Land Transportation Office Chief Virginia Torres nang makuhanan siya ng video na nakaupo sa tapat ng isang slot machine.
    
--Ulat ni Raffy Santos, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.