Ingatan ang mga ibabahaging datos sa social media: eksperto

ABS-CBN News

Posted at Apr 04 2018 09:16 PM

Panahon na para bigyan ng mga Pinoy ng pagpapahalaga ang mga personal na impormasyong ibinabahagi nila sa social media, ayon sa isang tagapagtaguyod ng data privacy at cyber-law expert.

Ayon kay Atty. Jose Jesus Disini, lubhang nakababahala ang kakayahan ng Facebook pagdating sa paghawak at pangangasiwa sa ating mga pribadong datos.

"'Pag ang isang service ay libre, ikaw ang produkto. So 'yon ang totoo sa Facebook," sabi ni Disini.

Ayon kay Disini, mistulang "tayo ang nagtatrabaho sa Facebook."

"Kasi binibigay mo 'yong datos mo, whether attention mo lang. 'Yong mga nili-like mo, tintitingnan mo, clicks mo, shine-share mo... 'yan ang ginagamit [ng Facebook] para makakuha sila ng insights tungkol sa 'yo," paliwanag ni Disini. 

Maihahambing umano ang pagtingin ng publiko sa isyu data privacy sa pagtingin nito sa isyu ng global warming.

"Alam nating nandiyan, may mga scientist na nagsasabing nangyayari ang global warming pero para kasing masyado siyang abstract, 'di natin nakikita 'yong consequences," ani Disini.

Payo ni Disini, bago mag-download ng mga app, tingnan muna kung anong klaseng impormasyon ang makakalap nito mula sa personal na account, computer o cellphone.

DATA SCANDAL NG FACEBOOK

Naging maugong kamakailan ang isyu hinggil sa data privacy matapos maiulat na nakalap ng kompanyang Cambridge Analytica ang datos ng halos 50 milyon user o gumagamit ng Facebook.

Nagsimula ito sa simpleng personality test na kumalat sa Facebook na gawa ni Cambridge University researcher Aleksandr Kogan.

Pero ang hindi alam ng mga kumuha ng test ay binigyan na pala nila ng pahintulot ang third party app ng Facebook na makalikom ng kanilang mga pribadong datos.

Kabilang sa mga datos na ito ang likes, interest, location, political affiliation, relationship, at photos ng user.

Ibinigay ni Kogan ang nakalap na datos sa kompanyang Cambridge Analytica, ayon sa whistleblower at Cambridge Analytica data analyst na si Christopher Wylie.

Ginamit umano ng kompanya ang datos para maimpluwensiyahan ang mga boto para kay Donald Trump sa halalan sa Amerika at pagboto ng United Kingdom sa pag-alis sa European Union.

Pinabulaanan naman ng Cambridge Analytica ang mga paratang.

Dahil sa pagkaalarma ng pamahalaan ng Amerika, pinatawag pa sa isang pagdinig ng kanilang Senado si Facebook CEO Mark Zuckerberg.

Humingi na rin ng paumanhin si Zuckerberg tungkol sa insidente.

-- Ulat ni TJ Manotoc, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.