Bahagi ng España Blvd kukumpunihin nang halos 2 buwan

ABS-CBN News

Posted at Apr 04 2018 10:49 AM | Updated as of Apr 04 2018 11:07 AM

MANILA - Magsasagawa ng repair at roadblocking sa España Boulevard sa Maynila simula Abril hanggang Hunyo 4, inanunsyo ng Department of Public Works and Highways ngayong Miyerkoles. 

Saklaw ng proyekto ang 4 lanes sa magkabilang panig ng kalsada mula Vicente Cruz Street hanggang Lacson Avenue, ayon sa abiso ng DPWH-North District. 

Hindi pagsasabay-sabayin at bagkus ay magiging portion-by-portion ang pagkukumpuni sa mga sira at basag ng pavement sa mga naturang lane, ayon kay Engineer Medel Chua ng DPWH. 

Gagawin aniya ang repairs tuwing alas-11 Biyernes ng gabi hanggang alas-5 Lunes ng umaga upang hindi mapalala ang trapik sa lugar. 

Magtatalaga ng mga karagdagang traffic enforcer doon, pero pinapayuhan ang mga motorista na dumaan sa alternatibong ruta tulad ng Dapitan, Florentino at Piy Margal streets upang hindi maipit sa trapik, dagdag ni Denis Alcoreza ng Manila Traffic and Parking Bureau. 

Nakararanas na ng mabigat na daloy ng trapiko sa kahabaan ng España hindi pa man nagsisimula ang road reblocking, pasado alas-9 Miyerkoles ng umaga. 

Ulat ni Raya Capulong, ABS-CBN News 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.