Bagong traffic scheme sa Commonwealth, ikinakasa na

ABS-CBN News

Posted at Apr 04 2018 09:34 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Inihahanda na ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang dry run sa darating na Sabado para sa planong pagpapaluwag ng trapiko sa Commonwealth Avenue sa Quezon City.

Nitong Miyerkoles, sinimulan na ng ahensiya ang paglalatag ng traffic plan para sa bagong ruta ng mga jeepney nang hindi na makadagdag sa pag-eembudo ng mga sasakyan mula Quezon Memorical Circle pakanan ng Commonwealth.

Inumpisahan na rin ang clearing operation sa Masaya Street kung saan ilalagay ang bagong loading at unloading zone ng mga public utility vehicle (PUV).

“Sinabihan na po namin yung mga establishments na they need to clear the sidewalk, they need to clear the roads of parking,” ani Edison Nebrija, hepe ng Special Operations Group-MMDA.

Nagbabala rin ang ahensiya sa mga nagtitinda sa sidewalk.

“Kanina lang po kami nagsimula, it was just a warning pero 'yung mga overhangs pinagtatanggal na namin. Tomorow, we will be coming back, sana po wala na 'yan dahil kung hindi mapipilitan kaming magkumpiska,” sabi ni Nebrija.

Hindi pa man din nailalatag ang traffic scheme, nakakita na ng dapat baguhin sa mga lane na inilaan para sa private vehicles at mga bus na pakanan sa Commonwealth at sa mga pa-Visayas at North Avenue.

Dahil mas marami ang kumakanan pa-Commonwealth, maaaring gawing 7-3 ang hatian ng lanes mula sa anim na lanes para sa pakanan at apat na padiretso.

“Puwede sigurong buksan natin 'yung dulo para kung nagkamali ka ng daan, puwede kang dumiretso pa rin. Kasi pag nagkamali ka diyan, 'di ka na kailangang umikot ulit, hindi ka na kailangang pumunta sa kaliwa, makakalabas ka,” ani acting General Manager Jojo Garcia.

Tinapyas na rin ang island separator sa Philcoa kung saan talamak ang illegal na pagsasakay at pagbababa.

Naka-standby na rin ang mga barrier at fence para makontrol ang mga pasahero at pedestrians.

Kasong jaywalking at multang P500 ang kakaharapin ng mga lalabag.

Kapag may nakitang sablay sa dry run ng bagong traffic scheme sa Sabado, babaguhin ang plano sa Linggo para sa Lunes ay full implementation na. 

--Ulat ni Doris Bigornia, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.