6 buwan na Boracay shutdown magsisimula sa Abril 26

ABS-CBN News

Posted at Apr 04 2018 11:41 PM

Epektibo na simula Abril 26 ang Boracay "shutdown" o ang pagsasara ng isla mula sa mga bakasyonista sa loob ng anim na buwan, ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque.

Ayon sa mga opisyal ng Department of Tourism (DOT) at Department of Environment and Natural Resources (DENR), tanging mga residente ng isla, na nasa may 50,000 ang bilang, at mga may-ari ng mga establisimyento ang papayagang bumiyahe sa Caticlan airport.

Pakikiusapan na lang din na i-refund o i-reschedule ang mga biyahe ng mga turista na nakapag-book na ng kanilang biyahe sa Boracay.

Puwede naman daw manatiling bukas ang mga negosyo na sumusunod sa batas o naging compliant pero iyon nga lang, walang mga turista. 

Aminado ang gobyerno na hindi magiging madali ang desisyon pero kailangan na raw talagang tutukan ang rehabilitasyon ng isla.

Maglalaan din ang gobyerno ng alternative at temporary livelihood para sa mga empleyadong maaapektuhan ng shutdown.

Bago aprubahan ang shutdown, iminungkahi pa ng Tourism Congress of the Philippines (TCP) na iurong ang simula ng inirerekomendang shutdown dahil di raw sapat ang nalalabing oras para mag-adjust sa bookings at iba pang obligasyon ng mga negosyo sa Boracay.

Iniimbestigahan naman daw ng DENR ang kanilang sariling hanay para malaman kung may kailangan bang managot dahil sa alegasyon ng katiwalian at kapabayaan sa ahensiya. 

Nito lang Pebrero nang tawagin ni Pangulong Rodrigo Duterte na "cesspool" o imbakan ng dumi ang islang dinarayo ng mga turista mula sa iba't ibang panig ng mundo.

Sa gitna naman ng pag-alma ng ilang negosyante sa Boracay shutdown, nagulat ang ilang residente nang malamang may itatayo palang casino sa isla.

Nauna nang itinanggi ng Malacañang na bahagi ng pagpapatayo ng casino ang pagpapasara sa Boracay.

-- May ulat ni Jeff Canoy at Dexter Ganibe, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.