17 batang kasama sa umokupa sa compound sa QC, pinalaya na

ABS-CBN News

Posted at Apr 04 2017 12:50 PM

MANILA – Pinalaya na ng Quezon City Police District (QCPD) ang 17 menor de edad na kasamang dinampot sa inukupang compound ng grupong Kadamay sa Tandang Sora nitong Lunes.

Ito ay matapos na sumailalim sa medical check-up at pagproseso ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang mga ito.

"Itong 17 minors, since yesterday, we have coordinated with DSWD and nandito naman sila. Actually, nasa kanilang disposisyon 'yun kung paano nila ilalabas ang mga bata," nauna nang ipinahayag ni QCPD Director Gen. Guillermo Eleazar.

Kasamang dinampot ng pulisya ang mga bata at 41 iba pa sa compound sa may Apollo Street sa Tandang Sora at dinala sa Camp Karingal.

Una nang nagreklamo ang mga kamag-anak ng mga bata dahil marami sa mga ito ay ga-graduate ngayon araw at di makakadalo kung patuloy na mananatili sa holding area sa Camp Crame.

Gayunpaman, hindi rin masasamahan ng naarestong mga magulang ang kanilang mga anak sa graduation ceremony dahil mananatili pa rin sila sa Camp Karingal para sa inquest proceedings.

Nahaharap sila sa kasong trespassing, grave coercion at malicious mischief.

Bagama't nasa mga maralita umano ang simpatiya ng pulisya, hindi naman nito puwedeng talikuran ang kanilang tungkulin.

"The point is, meron tayong batas, meron tayong rule of law na ipapatupad and we have to make this action," dagdag pa ni Eleazar.

Trauma sa mga bata

Dumating naman sa Camp Caringal si Renato Reyes ng grupong Bayan at ang abogado ng grupo na kakatawan sa mga residente.

Nangangamba sila sa trauma na maaaring danasin ng mga batang naaresto kasama ng kanilang mga magulang.

"Hopefully, magkaroon ng counseling ang mga bata sa DSWD at sa tulong na din ng mga NGOs," pahayag ni Reyes.

Giit pa ni Reyes, walang batayan ang pagkakaaresto sa mga umokupa sa compound.

"Natitiyak namin na kahit sa level ng piskal mare-release itong mga miyembro ng Kadamay for further investigation kasi nga po walang matibay na batayan yung sinasabi nilang trespassing, coercion, malicious mischief ay hindi uubra para arestuhin ang lahat ng tao," sabi ni Reyes.

Para kay Reyes, hindi na sana inaresto pa ang mga residente kung may namagitan na ahensiya ng gobyerno o civilian agencies para resolbahin ang isyu.

"Sa taya ng Kadamay, 57 kasama ang minor de edad, kasama senior citizens, sobra naman po yung ganung klaseng response," sabi niya.

Giit din niya na hindi kriminal ang mga naarestong mga residente.

"Hindi po sila mga kriminal. May lehitimo silang ipinaglalaban: pabahay. Once again, kaya nangyayari ang ganitong insidente dahil napakalaki ng kakulangan ng pamahalaan natin pagdating sa serbisyong pabahay," sabi niya.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.